Thursday, January 14, 2010

Sulat-kamay

KULAPOL kulay-itim or ATM sa mga itlog na nakahanay sa balota—ganyan kadali ang pambatang libangan sa huling araw ng Semana Santa… paghahalungkat, paghahagilap ng mga nakatagong itlog… na pati yata ‘yung tinatawag sa Latin na subpoena (sa ilalim ng lawit) ay makakalkal sa naturang Easter egg hunt or erection, pardon the slip or slap but we can take it to mean the two-o-ten elections.

As those dancing babes on the idiot box would have it made simple for simpletons, the ballot vox populi—which isn’t exactly vox Dei—is all about ink-smearing a tray of eggs.

Matapos lumutang ang sangkatutak na putak, mga itlog lang talaga ang lalantad. Mag-aapuhap sa parade ng samut-saring itlog… baka naman ang talagang nais mapili ay may bayag… kalugod-lugod ang may gulugod.

Maghahalungkat nga ng nakapagitan nakapagitan sa eggs or legs… may Penoy ballot, may itlog na pula… abnoy… bugok… basag ang pula… ham and eggs… eggnog… egg giling mo, baby… even the likes of Ingmar Bergman’s “The Serpent’s Egg,” unhatched, yet through the thin membrane, one discerns the shape of a reptile.

Kapag ganyang dose-dosena, mas mainam yatang basagin na lang… can’t make an omelet without breaking eggs but, how about tocino del cielo or leche flan—just the yolks, the whites can be used as binder for mortar… the sort that went into the building of centuries-old churches.

Ah, hindi na pagsusulat ang paghalal. Pagkulapol na lang sa mga itlog… tila itlog ng pato na ilulublob sa putik na may asin para umalat… mud slinging as a political tact must have been derived from that.

T-teka… nitong ika-14 ng Enero’y “Pambansang Araw ng Sulat-kamay” sa Amerika, lupalop na natuklasan at isinunod nga sa pangalan ni Amerigo Vespucci… kung apelyido niya ang pinagkunan ng ipapangalan, baka mas katakam-takam pa ang Bestpussy… ‘kainis kasi ang katuturan ng Amerika, “mayamang kaluluwa.” They opted for the riches of the soul, dropping out a most desirable portion of the female anatomy.

Ipinagdiriwang pala ang sulat-kamay (‘di na uso ‘to)… which easily translates to a gesture of prayer… hands-on orison… sulat is Arabic for prayer.


Panalangin ang pagsusulat. At nakisalimpusa sa pagdiriwang ng “Pambansang Araw ng Sulat-kamay” over there at Rich-soul, Best-pussy… kaya inantig sa sulat ang mga pangalan ng paboritong anghel, kabilang na sina:

Cambiel, angel of increased intelligence and the courage to think in unconventional ways;
Barakiel, “Lightning of God,” who fills the heart with happiness, inspires joviality and a sense of humor;
Mael, ruling archangel of the water;
Rampel, angel of play and mountains;
Sachiel, angel of Thursday;
Pharzuph, angel of carnal delights;
Risnuch governs agriculture;
Sefoniel makes magic, wishes, dreams come true;
Metatron, chancellor of Heaven, highest power of abundance;
Simikiel grants destruction, vengeance, punishment… only if deserved—don’t ask unless you are in the right or it comes back at you threefold;
Kokaviel grants impossible things;
Duchiel helps keep the body-mind young;
Och of the Sun gives perfect health;
Taliahad, angel of water, physical strength, and safety.

Mas mahaba pa sa listahan ng kandidato… kung ilang pahinang talaan ng mga pangalan, kapangyarihan, at katangian ang sinabakan sa sulat-kamay… hands-on invocation… mas masaya kaysa magkulapol ng itim sa mga itlog.

Wednesday, January 13, 2010

LAKLAK--HINDI LAKI-- SA HIRAP

ANG lintek na Lenin payak lang ang lunas
Upang silang dukhâ bilang ay malagas
Bawat sampung tambay—isa ang shot on sight…
Kaya unti-unti… ubos ang mahirap!

Hayop na Lenin ‘yan, talagang hayupak
Pilit na pinuksa silang mga tamad
Na nakatunganga maghapo’t magdamag
Pagod sa pahinga… sa tulog ay puyat.

Pati ang Bibliya ayaw sa batugan
Dapat daw ipagpag bilbil sa katawan.
Sa katas ng pawis, apoy ng isipan
Doon mahahango ang kinabukasan!

Pati nga si Kristo nagkibit-balikat
Kung sa konting pera, tiwala’y winaldas…
Paano pa kaya pondong sandamakmak
Sa bulsa ng pobre babahang may galak?

Sa Bhagavad-Gita bilin ay magt’yaga
Na h’wag nang aasam sa anumang pala…
Kapagka kumayod, tiyak may biyaya
Kapag kumakanyod—may nakabukaka.

Pero ano ito, bawat kandidato
Ipagpipilitan… siya’y pobreng tao?
Nasa’n ba ang Lenin? Papuntahin ditto
Para mabawasan aming iboboto.

Kokontiting pera ‘di maitutustos
Sa kampanyang sagad at todo sa gastos…
Malakiking pondo sabihin mang bastos:
Gastusang bastusan, ‘di magiging kapos.

H’wag ipagduldulang kayo’y dating dukhâ
At ngayon kayo nga’y nakaririwasa
Na nanggigitata sa luhô at rangya
Na nagpapamudmod ng utot ng dila.

Sila po’y mahirap… yatang maunawa
Kung bakit sa hirap ay hindi nagsawa
Pobre diumano lulublob sa madla…
Baka nga sisipsip ang bundat nang linta?

Sa pook at lunang sagana sa boto--
Doon ikakatsang sila’y pobreng tao
Kaya dapat lamang maluklok sa trono
Saka lumaklak ng pondo sa Palasyo…

Nag-Jose Velarde man ang isang Erap,
Nag-Jose Pidal man ang Mar sa de-padyak,
Magdilang-anghel man sinumang Satanas…
H’wag lang isangkalan ang pagkamahirap!

Mahirap ang buhay? ‘Pakamatay na lang—
Baka nga yayaman silang mga bangkay
At sa pulitikong power lang ang pakay…
Sunggab high-voltage wire… tiyak na kikisay!

Saturday, January 09, 2010

Yayaman ka talaga dito!

MAGLALARO daw sa P150,000 hanggang P200,000 ang 30-segundong sambulat ng patalastas pulitika sa prime time at alanganing oras.

Isinasalpak na lang ang mga patalastas sa tatlong nangungunang himpilan para ipagduldulan sa mga bobotanteng miron ang kani-kanyang balak para isulong—o baka naman ibulid sa bangin—ang bayan at taumbayan.

Hindi kailangan ng algebra (hinalaw mula sa isa sa mga pangalan ni Allah, Al- Jabbar-- the One who repairs, reforms and completes, the One who irresistibly compels things to be set aright) para manghilakbot sa agos at agas ng salapi na sumasalin sa idiot box. Yeah, put your money where idiocy is mouthed perpetually.

Ayon nga sa Surah 17:27 ng Qur’an-- “talagang ang mga lustay sa salapi ay kapatid ng mga demonyo…” (Sige, makipaghampasan ng argumento sa kasulatan ni Allah.)

Sa kung ilang minutong paulit-ulit na bulabog, tuklaw at tukso ng demonyo sa bobotanteng manonood, nagpamudmod na sa TV networks ng higit pa sa P1 milyon—opo, isang angaw isang araw. Kung ilang angaw sa kung ilang linggo bago magsimula ang masinsinang kampanya. Baka nga umabot sa langaw at bangaw…

Yayaman ka talaga sa paglipad ng angaw, langaw, at bangaw… ‘yun, eh, kung sa mga pangunahing TV networks ang trabaho mo… tiyak na madadapuan ng pera ang bulsa.

Hindi naman malayo ang aabutin sa lipad ng angaw—baka nga katumbas lang ng two or three low-cost housing units or two squat-type school buildings. Ubrang itustos ang angaw sa santaong suweldo ng kahit 20 karaniwang obrero…

Priorities…priorities… puro palapad ng papel at palipad ng pera ang inuuna… paano kung naluklok na nilang may 20 milyong bobotante ang hinayupak na pulpolitiko?

Pero kung nabibilang ka sa umaabot lang yata sa 5 milyong Pinoy na hindi makayanang tumustos ng P50 almusal-tanghalian-hapunan bawat araw,... aasam na mapatakan sana ng kahit barya ng mga nahahayok maluklok sa trono ng Numero Uno sa Malakanyang.

At kung nabibilang ka naman sa may 5 milyong corporate and individual taxpayer entities sa bansa na tahasang tumutustos sa pansuweldo sa mga kawani’t puno, pati pagtakbo ng mga lokal at pambansang pamahalaan, tiyak na ikaw ang babawian—pagkatapos ng halalan, siyempre-- ng mga pinalipad na angaw, langaw, at bangaw.

Ay, kawa…Juan de la Cruz!

Kakatwa talaga ang pihit ng panahon in this quaint nation, probably damnation or indignation… to our consternation, there are three seasons—wet, dry, and erections, whoopsydaisy… I mean elections.

It’s the last, a prolonged period or state of dysfunction that can affect a dry or wet outcome
, mwa-ha-ha-haw!

Friday, January 08, 2010

Praktis pagtubos sa Roma

HIGIT santoneladang paminta ang hinihinging ransom-- pinakaastig talagang trabaho ang pagsusulat ng ransom notes, exciting na limpak-limpak pa ang kita -- ni Attila the Hun sa Roma nang salakayin ito ng kanyang hukbo noong ikalimang siglo.

Hindi yata naibigay ang hinihingi-- sino ba naman ang lalantak ng hilaw na tartare steak kung walang budbod na pamintang durog? Kaya dinapurak ang naturang kabisera ng sibilisasyon… na ang mga panagupang kawal ay nakagawiang ngumata ng dahon ng paminta upang tumagal sa mahabang martsa't manatili ang bangis sa matagalang sagupaan.

Sa yugtong iyon ng kasaysayan, itinuturing na mas mahalaga kaysa salapi't ginto ang mga butil ng paminta… ransom payment nga ang katumbas para hindi mapulbos ng mga mangungulimbat ang isang siyudad.

At yugto ngayon ng kasaysayan na umaabot sa may tatlong milyon ang mga Pilipino na laging sablay sa pagkain araw-araw, maituturing pa rin na mas matimbang sa salapi ang butil-paminta… teka, mira ang isang taguri nito sa sinaunang Sanskrit, isinusupalpal sa mga butas ng ilong ng mummified na bangkay; sangkap din sa mummification or recipe ng dinaing na bangkay… kaya kukutuban na baka ang handog ng isa sa tatlong haring pantas (mage-kings) sa sanggol na Jesus, sangkahong mira o butil-paminta. A King's ransom indeed!

Makabuluhan sa mga Pilipinong kapos ang kita sa sapat na pagkain ang paminta: "Substance in Black Pepper Increases Nutrient Absorption up to Two Thousand Percent."

Hindi kailangan ng kasibaan sa pagkain… moderate greed and voracity with ultra-high level of bioavailability or nutrient absorption.

Natukoy din: "In addition to its effects on bioavilability, piperine-- the main alkaloid in black pepper-- has many other actions in the body that include increasing beta-endorphins in the brain, acting as an anti-depressant, increasing serotonin production, boosting brain functioning, stimulating adrenal production, relieving pain and asthma symptoms, stimulating melanin production, decreasing ulcerations of the stomach, reducing stomach acid production, and coordinating digestive tract contractions. It is highly effective against colon cancer."

Naipangako kasi kay Mang Rene Mendoza ng Sungay Lane sa Tagaytay City na tutulungan ko siyang ilipat ang kanyang puno ng paminta sa likod-bahay nila… mas mataba pa sa hinlalaking daliri ang bulas nito, hitik sa pamumunga't kung ilang taon na ring pinakiki--nabangan. Magtitirik ng bagong bahay ang mga Mendoza… masasapol ang punong kulumpon ng paminta sa pagtitindig ng bahay… tiyak na matatagpas lang, sayang naman.

'Kako'y basta maingat at masinop ang paghuhukay-- hindi kailangan ang backhoe!-- sa paligid ng punong kulumpon, tiyak na mabubuhay pa rin ang kanilang paminta… kahit 3 metro ang agwat ng pabilog na hukay sa pinakapuno, kailangang bawasan ng mga 2/3 ang bulto ng yamungmong upang makayanan ng malalabing ugat ang pagtustos ng tubig sa mga tangkay at dahon.

Kailangan ding makipatalastasan sa naturang halaman… suyuin, aluhin… arcane interspecies communication mode para hindi nito isuko ang taglay na qi o life force. Kung maaari'y salinan ng dagdag na qi upang madugtungan ang buhay nito.

SALAMAT SA BUTIL

…dahil ipagtutulakan na naman para ganapin ang payak na ritwal upang tumilapon at ibalik sa pinagmulan ang mga hindi kanais-nais na enerhiya na pilit itinatapon sa aming pamamahay ng kung sinu-sinong asungot at amuyong… what I don’t accept belongs to whomever presents such to me-- pestilence, virulence, vitriol, and all.



Pero taos-puso ang tanggap sa limang kilo ng masamyong bigas na kaloob ng mga katoto sa inang kaluluwa, Pamantasan ng Silangan. Matindi ang kakatwang lakas ng mga butil-bigas upang ipagtabuyan, ibalik sa pinagmulan ang dapat maibalik. Malakas ang kutob namin na sina G. Jess Tanchangco at Kapitan Lucio Tan ang nagkaloob ng mga naturang butil. Para maisagawa ang ritwal.



Hindi madaling humagilap ng organic rice for the rite to shoo away negative energies and haul in tons of good luck and abiding abundance.



Hindi puwede ang karaniwang bigas—the rite calls for rice grains grown on soil untainted by petrochemical-derived fertilizer, growth boosters, pesticides, and the like. Such industrial compounds suck out leech-like whatever powers dwelling in the grain—and in one’s groin.



Kaya ‘yung mga binigkis na uhay ng palay na mabibili sa Quiapo at Baclaran, pampasuwerte raw kung isasabit sa bintana o pintuan, sablay ang bisa niyon. Tiyak na pinupol sa tarundon o post-harvest growth ng palay. Na sumimsim at pinasuso sa lupang natigmak sa samut-saring agro-industrial chemicals. Whatever magic that can be wrought out of such grains has been rendered null and impotent.



The magical and nutrient content of any plant— say, rice grains embody the congealed rays of the sun and is held sacred in the Shinto faith system-- is only as good as the soil it’s grown on.
Pansinin na hindi halaman ang nililinang, pinagyayaman at sinisinop: lupa at lupa lang… Now, every pronouncement coming from Malacañang is top-grade compost but any soil scientist worth his salt won’t use such to mulch crops… or they’ll turn crap and wither dead.



At kapag buhay na buhay ang lupa—living soil teems with life-- maihahayag nito ang sigla’t saya ng buhay sa bawat binhi ng halaman na sisibol sa dibdib nito. Sumasalin ang ganoong sigla at kapangyarihan sa mga himaymay ng halaman—mula ugat hanggang sa bulaklak at mga butong butil… na sasalin naman sa katawan ng taong kakain niyon.



Teka, kailangan nga pala ng kahit munting tason o bowl para paglagyan ng bigas—madali nang humango niyon kahit sa mga nagbebenta ng mga segunda-manong kagamitang pambahay mula South Korea’t Japan… mas mainam kung itim ang kulay, puwede nang lacquerware, earthenware, stoneware or porcelain bowl.



Punuin ang tason ng organikong bigas. Ilagay sa labas ng bahay. Matapos ang sambuwan, ibaon sa lupa ang bigas—kung may nalalabi pa, tiyak na araw-araw manginginain doon ang mga maya.



Punuin muli ng bigas ang tason. Ibaon ang bigas matapos ang sambuwan.



Ganoon lang? Ganoon lang.



Napakapayak na ritwal. Pero ibayo ang bisa. Tiyak na lalong puputaktihin ng kamalasan ang mga mahilig mang-asungot at mang-amuyong sa inyong pamumuhay—babalik lang sa kanila ang talagang nasa kanila.



At bubuhos naman ang biyaya at magandang kapalaran sa inyong pamamahay. Ganoon ang taglay na kapangyarihan ng organikong bigas.

LONGAN SA LUNGGA

KAILANGAN talagang gamiting madalas nang maging madulas kahit lang sa himod ng dila ang ilang bagong kalap na mga kataga—magiging bahagi, maihahanay sa pansariling harem ng mga salita. Mapapaniwalaan ang giit ng Lewis Carroll na “ginagamit tayo ng mga salita gaya ng paggamit natin sa mga salita.” The process seems akin to sexual intercourse, is it not?



Kaya nga sa halip na ituring na hukbo—a 700-word force to get along; at least 3,000 to get a job; about 10,000 stockpiled to have a social role, and some 60,000 words to be an arbiter of the tongue, as findings have it – ang natitipong salita sa imbakan ng katawan-diwa, mas masaya na ituring na harem. Para laging may nakatokang katalik at kaniig, manatili ang sigla at tindi ng pagnanasa. Para mas may mababakas na lamyos ng pakikipagsiping.



Each word embodies loveliness, a beauty, a wonder willing for a romp and a go… coaxed to come in intercourse. Kaya nga kahit mayroon nang kabiyak, marami pa ring alindog ang binibiyak, damuho-ho-ho-ho!



Nabanggit sa mga kausap na tila yata walang katutubong kataga na katumbas ng “toad” na nagtatampisaw wari sa lawa-lawaang nasiksik sa naglutang na quiapo (Pistia stratiotes, often called water cabbage)—pinagkukunan ng retrato ang tila bunton ng kulubot at kulugo sa mga nakadipang dahon ng halamang-tubig, magkapiling ang kaaya-aya at karima-rimarim sa paningin. Ah, iguguhit daw ng marikit na larawan ang sanlibong salita.



Teka. bathalumang palaka si Heket ng mitong Ehipto—na ang larawan ay pinaniniwalaang pampasuwerte at humahakot ng tala-talaksang pera. Laging nakapaling sa kaliwa ang larawan ni Heket na sumasagisag din sa kasaganaan at walang humpay na daloy ng biyaya sa buhay.



Pero palakang bukid ang katumbas ni Heket—tugak sa Pampanga, tukak diay ti amianan… design motif nga pala ang anyo ng palaka sa sinaunang habing Iluko… suwerte raw ang naturang disenyo na tinatawag na sinantukak, nakatambad madalas sa habing kalupi o cloth-woven wallet (para hiyang sa walang humpay na salin ng salapi) at sa kumot para yata talagang nakahiga’t nakalublob ang buong katawan kahit natutulog sa sangkatutak na suwerte’t salapi. Mas maaga yatang nakarating sa hilaga amg allimuom ng paniniwala mula Ehipto’t China.



Pero talagang sapak sa panlasa ang palakang bukid kahit gawing tinola, adobo o relyeno. Dahil pulos kulisap lang ang nilalantakan nito, may kakaibang talab sa katawan… mapupukaw ang paninindigan ng singkapan, ah, a mild case of priapism na madaling malulunasan… mas matamis nga naman ang longan kapag nasa lungga.



Sa China pa umaangkat ng longan at doon din idinadambana ang bathalang Liu Hai na nagpapamudmod ng ta… oops, ng salapi at masaganang kabuhayan. Ang nilalang na may taglay na kapangyarihan ni Liu Hai? A three-legged toad. Its likeness is sold in most Asian curio and feng shui shops.



Maiisip na dalawa lang talaga ang hita ng naturang animal. Ang ikatlo, nakapagitan sa dalawa’t salsakan ng taba. At haba.



Batay sa mga ganitong kuntil-butil, naimungkahi sa mga kausap ang katumbas ng toad sa ating wika. Palakantoad.



Natanto sa huli na mas angkop talaga ang tawag dito mula Licab, Nueva Ecija. Karag. Tahasang hinango mula sa naturang kaanak ng palaka—“How public, like a frog. Telling your name the livelong day. To an admiring bog”—na nagbubunyag ng kanyang pangalan sa sariling bibig, sa sariling garalgal na tinig na nag-aanyaya ng ulan.



K-r-r-a-g… K-r-r-a-g… K-r-r-a-g…



Isa na namang kataga ang nadagdag sa talasalitaan. Isang dagdag sa lumalaking harem na paulit-ulit na maglaaan ng mga diwata’t lakambini na makakaniig at makakapanaig sa daloy ng diwa.



At habang bumubulas sa paglaki ang talasalitaan, muli’t muling mahihimmas ng imahinasyon hindi lang ang tamis ng longan sa lungga… pati na pagsalpak ng longanisa sa lungga ng pangga, mwa-ha-ha-haw!

Mangare, dormire, amore

KUMAIN, humimbing, umibig. Kalakip ang itinuturing na sagradong binhi ng kataga—um—sa tatlong pangunahing takda sa payak na pamumuhay. Sagradong pamumuhay.



Hindi biro ang pagkain, lalo na’t hindi lang pagsisilid ng mga tipak na sapak sa mata at panlasa ang isasalin sa bawat himaymay ng katawan. Hindi lang butil, tinapay at katambal na ulam ang may taglay ng sustansiya na itutustos sa katawan, diwa’t kaluluwa. Hindi tinapay lang ang makakabusog. Hindi sapat ang dalisay mang tubig para mapawi ang uhaw.



Kailangang hindi maging patay-gutom ang diwa. Subukang lulunin ang pride… pwaa-haah… lasang sabon! Masyadong mataas ang phosphate content… dapat yatang ibaon sa lupa… pataba. Mabulok kaya’t magkaroon ng sense of humus?



Tatlong pirasong pritong kurita (oops, hindi po ito ina ni Sen. Manny B. Villar, Jr.) o pugita ang inihain sa ‘kin nitong agahan. Tikman ko raw. Isa lang ang ginalaw… mahirap ipaliwanag ang linamnam.



Mga dalawa-tatlong oras kaming nangilaw… naghibas o low tide sa bahaging iyon ng South China Sea… mistulang kural ang mga bumabaw na luong o tide pools para sa mga isda, pero kurita lang talaga ang pakay… salapang… saksak… saklot.



Nagpupuyos sa pagyapos ang amihan… makilapsaw ang tubig… naikubli sa linlang ng alon at pusyaw na dilim sa liwanag ng bilog na buwan ang pakay.



Malilibang ang mga mata sa walang humpay na sipat sa gaslaw ng tubig… busog na busog ang paniningin kaya hindi pansin ang pagkuyumos sa katawan ng lamig, ang unti-unting sigid ng pagod sa hita, binti’t tuhod.



Musmos na muli nang saklutin ang ikalimang kurita sa kung ilang oras na paglilimayon sa lawak ng buhangin at bahura. Naghuhumiyaw na sa paninigas ang kalamnan ng mga pigi’t binti… ulol na nagkukumahol pati na ang… titingin pa rin sa naglisaw na liyab mula sa mga nakasabay na nangingilaw sa magdamag. Nag-aapuhap, naghahagilap ng masusundot na kurita ang mga nasa tapat ng bawat liwanag.



Sa mga larawang limbag-kahoy o woodblock prints ng henyong si Hokusai nahapyawan ang mas masarap na lantakan—tako-bobo o pugitang pu… o pukita (para hindi mas malaswang pakinggan). Kumakapit, sumisigid ang sedang laman habang sunod-sunod na sinasakyod. Sumasakmal habang sinasalaksak. That’s something lusciously new for a word. Pukita. Mula shunga o mga larawang tagpo ng umaatikabong pagtatalik na nilikha ni Hokusai.



Hindi sapat na gantimpagal ni gantimpala sa magdamag na pagod ang limang pirasong pugita. Sa kung ilang oras na paglilimayon, ang paslit sa puso’y naalimpungatan… bumangon. Nagtampisaw, walang humpay na halik ng alon ang bubot na manggang halakhak.



Mangare. Dormire. Amore. Kumain. Humimbing. Umibig.



Nahimbing ang patang katawan at busog na isipan. Sa panaginip, umaalingawngaw ang magkasaliw na halakhak ng alon at hagikgik ng tuwang tuwa ring paslit na nagkukubli sa sariling dibdib.



O tempora! Ah, amore, amore!

KAPA SA TIGANG NA LUPA

AF BRI ang pangalan ng lakan ng ulan

Kakalap ng ulap at saka iibsan

Tubig bibihisan lupa ng luntian

Huwag ipagkait ng limot na utang.



Isanggalang silang nagbubuhos dasal

Papawi sa uhaw nitong lupang tigang

Maihatid nawa mula kalangitan

Mga dampi’t haplos ng kasaganaan.



Tubig ang hinirang sagisag na wagas

Ng kapangyarihan mula sa Itaas

Lahat ng nilalang, dakila ma’t hamak

Bibigyan ng buhay, bibigyan ng lakas.



Halaw ang mga naunang saknong sa mapaghimalang dalangin na binuo ng isang nagngangalang Rabbi Eleazar ha Kallir, nabuhay mga 1,300 taon na ang nakalipas. Talagang tula o titik sa awitin ang pusong itinitibok ng panalangin—tutugma sa ginahugma, may palaspas na ipapagaspas.



Unang bahagi lang ang mga taludtod na ito sa kinatha ng naturang guro. Sa ikalawang bahagi, inilalahad ang mga pangako at himalang tinupad ng Maykapal sa mga tapat sa pananampalataya—mahabang kuwento’t kuwenta ‘yon kaya hindi na nangahas pang ibunyag dito.



Tahasang tinukoy sa dalangin ang pangalan ng anghel na nangangasiwa sa pamamahagi ng ulan na ihihilamos sa mukha ng pagas at tayantang na lupa: Af Bri. “Ngitngit,” “poot” o “galit” ang katuturan ng unang pantig. Katumbas ng malupit na halibas ng buhos na humahantong sa pagbaha—upang mapalis ang baho.



“Kalusugan” o “kabuuan” ang kahulugan ng ikalawang pantig sa pangalan ng anghel. Tumuturol sa banayad, mayuming pagpatak ng ulan na kapaki-pakinabang sa sangkatauhan at sa kapaligiran.



Pinansin ni Rabbi Eleazar ang sanhi ng tagtuyot o pagkakait ng biyayang tubig: hindi binayarang utang. Mayroon palang parusa sa mga balasubas… ginagawang tigang, uhaw… at hindi lang sa tubig mauuhaw.



Nahalungkat ang katha ni Rabbi Eleazar bilang banat sa banta ng tagtuyot sa bansa—habang natutusta ang mga bukirin, laging itutustos sa uhaw ng Metro Manila ang naipong tubig sa mga imbakang Angat, Bustos, at La Mesa . Walang ililimos sampatak man sa mga matutuyot na gulayan at palayan ng mga kanugnog na lalawigan ng mga naturang imbakan ng tubig. Walang kita at tubo kapag walang pananim na tutubo.



Tiwalag na ang nakalublob sa lungsod sa takbo ng pamumuhay sa mga lupaing sakahan—na matagal nang nakasalalay sa ulan at mga imbakan ng patubig ang kabuhayan. Higit ngang sagana ang ani ng palay na isinalang sa tag-araw kapag natustusan ng sapat na patubig.



Sa nagsisinop ng lupa, kasaganaan ang hatid ng ulan—kaya marahil sumibol sa katutubong kultura ang kung anu-anong ritwal at panawagan sa kalangitan upang magbuhos ng ulan, kahit sa bukana ng tag-init.



Posibleng napulot ang kakaibang ritwal mula Nepal at ilang bahagi ng India —hubo’t hubad, taimtim na magbubungkal ng lupa ang mga kadalagahan upang mapukaw ang pagbagsak ng ulan… tulo-laway nga naman kapag nasilayan ang mga kaait-akit na katawan.



Sa halip na maglantad ng hubo’t hubad na alindog ng mga dalaga, imahen ng Birhen ang ilalakad sa prusisyong lotrina ng ilang lupalog sa Timog Tagalog—natatapos ang prusisyon sa natutuyong ilog o batis, doon ilulublob at paliliguan ang imahen, kalakip ang paniwala na mahihimok ng ritwal-dasal ang kalangitan upang magbuhos ng ulan.



Mas kahali-halina (mula ito Sanskrit, mahar o malaki at linga o titi) ang tatanbad na bukana ng langt sa pagbungkal sa bukirin ng mga dalaga… orare est laborare, laborare est orare… dasal ay gawa, gawa ay dasal.

PRAKTISTIS SA KRIMEN

SA panahon ni Bugoy yata unang pinairal ang patakarang balasubas—crime does not pay, journalism is crime.



At ang tulad ng inyong imbing lingkod ay itinuturing na pusakal na kriminal. Manghihilakbot kahit na sinong demonyo’t impakto sa mga kakatwang krimen—na para sa ‘min ay pang-araw-araw na gawain. Kahit ipagkalat sa madla na ang ganitong gawain ay masahol pa sa gawa ng serial killer. O talamak kaysa mass murderer.



Isinangkalan ang motibo para sa gawaing labag sa bayad at bayag. Dapat ibagsak ang diktadurang rehimen, dapat isiwalat ang mga ulat na ayaw ilantad ng mga pahayagang walang gulugod o tahasang nakasilid sa bulsa ng diktadura. ‘Gandang pakinggan ng nakasalang—at sinalsal-- na dahilan para bumayo ng makinilya’t magsulat na walang takot—kahit madalas na kumukulo ang sikmura’t bulsa sa pagtugis ng totoo.



Malalim ang bulsa ng sumunod sa ganoong pamamalakad— nag-ambisyon pa ngang maitanim (hindi nito kailangan ng backhoe) sa Mataas na Kabuhungan bilang kampon ng Malacañang. Pero sino namang gunggong na peryodista ang susulsol sa mga bobotante. Para mailuklok sa poder ang ganoong balasubas?



H’wag nang magtaka kung bakit humahakot ng santambak na papuri sa mga sakim sa salapi ang isang Datu Unsay Andal Ampatuan Jr. Talagang dakila. Sa isang bagsakan lang, rumatrat ng 30 kakosa’t katarima sa krimen… sa ilang iglap na inihudyat ng kulog ng tingga nakapagbukas ng 30 job vacancies sa mga atat makapasok sa peryodismo, backhoe-ho-ho-ho!



Pagsuong sa digmaan ang pagwawasiwas ng panulat—at idagdag na natin sa ganoong pananaw ni Voltaire na talagang hinihingi ng kalagayang umiiral na maging war criminal… no quarters asked, no quarters given…


At parehas lang ang paraang tama at mali . Para magtamo ng tagumpay sa digmaan… h’wag na h’wag magkamali, dapat lagi’t laging totoma… Saka tatama. Mas mainam kung tatama lalo na sa jueteng, lotto, bingo, sakla…. at lalong lalo na sa yungib na pagitan ng maalindog na hita.



May mga pulitikong kupal na kapansin-pansing nakasupalpal na rin ang kani-kanyang lapida’t tudling sa pahayagan… mukhang exempted naman sila sa pinaiiral na patakaran sa bansang pinakamapanganib na lupalop sa daigdig para sa peryodista. Meron kasing hazard pay ang mga peryodistang kumakalap ng ulat sa Afghanistan at Iraq —and most dailies plied in our neck of the woods don’t even hazard paying knowledge workers.



Kinukutuban nga kaming ang mga kumag at kupal na ‘yan ang nagbabayad sa mga pahayagan. Para sikat na sa mambabasa… baka sakaling may masulsulang bobotante, nakaiwas pang mabansagang kriminal—aba’y journalism is crime, crime does not pay.



At kami lang yata ang uri ng kriminal na umaamin sa mga karumal-dumal, kasuklam-suklam, kahindik-hindik, kasula-sulasok, kagimbal-gimbal, kakila-kilabot (idagdag na pati kasuka-suka) na krimen, mwa-ha-ha-haw!

UNOS SA UNO

TUTAL nagpaputok mga Ampatuan

At limampu’t pito na ang tumimbuwang

Baka naman ibig dagdagan ang bilang—

Dagdag pang paputok at dagdag na bangkay.



Tra-la-la-la-disyon ay dapat masunod

Ang isasalubong ay ingat at usok

Upang bawat taon kasula-sulasok

Sa simoy ng hangin pulbura’y isuksok…



Si Digong Duterte lang ang nagbabawal

Kasi nga’y lumala ang global warming daw.

Kaya nga doon po sa lungsod ng Davao

Bawat Bagong Taon, payapa’t tiwasay…



Digong Duterte daw talagang pumalag—

Tropang Ampatuan nang namamayagpag

Hanggang sa Davao ay full display ang armas

Sinita ni Digong, tiklop silang lahat…



Pero dahil sikat na sikwat na ngayon

Dapat pamarisan silang mga gunggong

Salaulang usok at ugaling baboy

Dapat na ihasik tuwing bagong taon…



Para makatiyak na amoy masansang

Ang sambuong taon sa ingay simulan

Tutal si Digong lang itong magbabawal

Tularan natin ang mga Ampatuan!



Huwag mabahala kung may global warming

Kahit pa may Ondoy na laging darating,

Kahit pa mawarak iyang weather patterns

Bawat bagong taon dapat na babuyin!



Zakkiel, Zakkiel na anghel ng unos

Nais kasi naming sa ingay maglublob

Sa kaitaasan man ikaw magtanod

Magugulantang ka sa sansang at usok…



Ay, oo nga pala ang anghel ng pera--

Si Sachiel naman (magkatunog pala…)

Anumang biyaya, itaboy talaga…

Pansuob sa langit: Insensong pulbura!



Zakkiel, Sachiel lumayas nga kayo

Ganito ang gawi naming Pilipino!

Kami’y Filipinoise, tandaan po ninyo

Sa dumi at ingay kami ang panalo!



Kaya buong taon puputak, puputok…

Parang kinakatay na sanrekwang manok

Ganitong tradisyon ay kalugod-lugod

Walang pagbabago at walang gulugod!



Tutal nagpatutok mga Ampatuan

Aba’y lagi’t lagi silang tutularan

Limampu’t pito lang tinanghal na bangkay—

Dagdagan ang putok, dagdagan ang patay…

PRAKTIS SA HULING KABIT

UMABOT sa 27 saksak ang itinakal ni Ave sa katalo sa tunggaan, kuwento ng katoto. Parang damong mutha na tinangkang katkatin sa balat ng lupa… pero himalang nakaligtas sa kalawit-kamatayan ang tinarakan. Pulos katagang walang taga ang katumbas ng iniunday.



At maraming ganoong mainitang pagtatalo sa laot ng tunggaan ang nauuwi sa siklab ng gulo… dapat talagang paghandaan ang tinatawag na huling kabit—the last word, the final argument… going for the jugular.



Humingi pa ng awa ang 30 peryodistang napadpad sa Ampatuan, Maguindanao bago tuldukan ng tingga. Sa halip na umamot ng kahit kulangot na unawa sa bibigkas ng huling kabit, kahit sana isa sa kanila’y bumira ng obit emptor… sa glabella… para iglap na maisuksok sa utak ng kinakausap ang kahit isang mariing taga ng kataga. Tinabla na lang sana noon pa. Just one crunching non-word of finality.



Nabanggit minsan sa katotong Atty. Manuel Manaligod, Jr. ang tahasang katuturan ng huling kabit—na nilinaw ng isang nagngangalang Yoshida Kotaru, dalubguro sa sibat na nakatuntong sa yugto ng satori o iglap na kaliwanagan. Sampulutong ang pinapangasiwaang tagapanaliksik, tagapaghanda ng oral arguments at pakikipagpalitan ng paliwanag sa bawat hawakang kaso… para matiyak ang panalo. Talk is cheap, yeah, but try having one with a lawyer…



(Facts are sacred, legal opinions are a dime a dozen… kaya marami nang mga media organizations ang balasubas. Tutal, sampu sampera nga naman ang mga opinyon—legal or downright criminal in intent-- na tulad nito.)



Tinurol ni Kotaru na ang mga batas ng tao’t Diyos ay hindi nakalimbag ni sinisinop sa puso ng sinuman… kaya anumang malimi’t matinong paghimay, pagbibigay-liwanag sa mga itinatakda ng alinmang batas ay nawawalan ng saysay.



Maidadagdag pa ang nakasaad sa Qur’an na “hindi paningin kundi puso ang tahasang nabubulag.” Kakapa-kapa sa dilim at liwanag ang pusong bulag. Pero kapag talas-labaha ang paningin ng puso, umaayon sa matuwid ang dugong ititibok nito… at iglap na masisipat nito ang mga lantad na bahagi ng katawan na lalapatan ng huling kabit.



Parang payo ni ex-world chess champion Tigran Petrosian ang tagubilin ni Kotaru. Huwag na huwag magpasimula ng pagtatalo. Pero lubusan at laging ihanda ang kabuuan ng sarili para ilapat ang huling kabit… the terse killing blow.



Hindi sapat ang nagpupuyos na pukpok ng kamera o kurot ng kutya para ipataw ang huling kabit… ganoon ang gawi ng mga mahilig sa labanang kuyog.



Kailangan talagang ihasa’t pandaying asero ang kabuuan ng sarili… para kahit walang kimkim kundi buntong-hininga sa kamao, iglap na iigkas… maikakatok sa ilalim ng solar plexus upang mauntag, mapatigil ang tibok ng puso… maihahalukay sa atay upang maantig ang mga nakabalatay doon na latak ng alak at linamnam ng karne.