LABAHA pala ang talim-ngipin ng bayawak na sinaklot sa buntot… nakaigtad… pumangal ang pangil sa nahagip na daliri, bumaon ang talas hanggang sa puno ng kuko… conversation piece na ngayon ang naiwang peklat sa last phalanx, sa bahaging dulo ng kaliwang hindudutdot o hinlalato… nanamnamin pa rin sa naging peklat ang sigid ng hapdi noon, pati na ang linamnam ng adobong bayawak.
Sumalampak naman ang mukha ng apong Musa sa lupa sa sabik na pagsugod sa inaasam na kalaro sanang kapwa musmos… gasgas ang ilalim na bahagi ng kaliwang mata… ngalngal sa sakit… sanlinggo rin na tinaglay ang naiwang galos sa kanyang mukha hanggang matanggal ang talukap sa naghilom na sugat.
Scars are hallmarks of a carefree childhood spent in earnest, endearing interface with the environs. Kutis na walang lagda ng masayang kamusmusan at karanasan—mga pekas at peklat—ay para lang sa mga lampa’t tanga na hindi natikman na gumalugad, makipagniig, humango ng nalalaman at katatagan sa lawak ng mga lupalop at dawag. Nag-iiwan ng bakas sa laman ang kaalaman… makailang ulit na nasagpang ng aso, nasuro minsan ng baboy-damo… aba’y minsan nang kumapal at nanigas na tila sungay ng kalabaw na kalakian ang kalyo sa mga palad at kamay… naging bunga sa taimtim na panday-sanay sa mga sining na sumalin sa katawan.
Ang bayaning nasusugatan—giit nga sa salawikain—lalong tumatapang. Lalong nag-iibayo ang kabayanihan, kahit markado ang katawan sa peklat. Pero isasantabi ang markado para mapaglaruan ang merkado—na naniniwala at nabola ng mga cosmetic surgeons at mga lampa… na ang makinis na kutis, malinis na balat ay tanda ng kagandahan.
Napag-utusan lang po ako na bumira ng storyboard sa patalastas pantelebisyon para sa kosmetikong produkto na pamawi ng peklat. Mas mabisa ‘to kaysa macilla de mano’t cebo de macho… nagtataglay kasi ng sandamakmak na katas ng sibuyas para ang balat na katad, maging balat-sibuyas—na halos katumbas ng delicadeza sa panahong ito na pati mga nakaluklok sa trono ng Palasyo’t nagnanasang maluklok ay masahol pa sa balat-kalabaw, patuloy sa walang humpay na pakikipagpaligsahan sa pakapalan ng apog, pwe-he-he-he!
Opo, umiiral ang pachydermal mindset sa ating panahon na panlabas na pagpapaganda at pagpapakinis ng kutis ang higit na pinagkakaablah-blah-blahan. There’s dermal macabre in times of epidermal obsessions—pabalat-bunga.
Nakakabahala ang ganyang pananaw na mas matimbang ang pagpapahalaga sa balat ng saging—oops, baka madulas kayo kapag makayapak nito—kaysa matamis na lamukot ng saging. We’re chewing on peelings, throwing away the luscious and nutritious pulp-meat that ought to be eaten, yeah, we’ve gone bananas!
Paensiya muna kayo, hane, gagawa lang uli ako ng mahilab-hilab na pera… storyboard coming up for the skin-conscious, mwa-ha-ha-haw!
Sunday, February 07, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment