GINAWAK saka walang pakundangang nilapa ng bulldozer-- baka backhoe-- ang pisngi ng lupa… tungkab ang manipis na sapin ng top soil—na karaniwang anim na pulgada lang ang ang lalim sa maraming panig ng daigdig… muntinlupa ang taguri sa naiwang subsoil… nahuthot-simot na ang taglay na yaman ng lupa…tinutukoy din ng Muntinlupa ang lunang kinatatayuan ng pambansang piitan… kaya malilinaw, malilimi kung bakit inmate orange o bihis-bilanggo ang kulay sa pampestedenteng kampanya ng bilyonaryong real estate developer…
Nagsisimula ang pagmamahal sa bayan sa pagsisinop ng lupa, not exactly a process of real estate development… “aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?” Mahusay na bibigkasin ng nag-uumapaw sa sigla’t buhay na lupa ang kariktan ng anumang itatanim… pangunahing batas nga sa pagsisinop-lupalop ang walang humpay na salin dito ng humus… rotted organic matter to infuse a sense of humus, more likely a sense of humor to coax the soil to grin rather than groan.
Masaya ang halaman sa masayang lupa. ‘Yang kung anu-anong kultura kasi, nagsisimula muna sa agrikultura o maingat na pagsisinop ng lupa—lupa muna ang pinagyayaman, isusupling lang sa yaman ng lupa ang anumang halaman. Culture is the substrate, the elemental medium that nourishes, sustains robust life… any shred or snippet of so-called culture that denies or negates that life isn’t culture.
Apat na sakong banlik o silt ang paunang binili—P20 lang sansako— ibinihis na matikas na laman sa kalansay-lupa saka tinamnan ng isang hanay, walong kulumpon ng tsaang gubat… sa tatlong taon lang, titindig na limang talampakan na luntiang bakod ang ganoong hanay. Mas malamig sa paningin, magtutustos ng hininga para sa dalawang lumalaking apo—sina Musa at Oyayi. Talagang para sa kanila ang pagtatanim… dalisay na hininga ang masasagap nila sa mga halaman, pampatibay at pampalusog ng kanilang katawa’t isipan.
Itinalagang talibang anghel sa mga halaman si Cathetel… inuntag sa dalangin na madadala ng hangin saanman habang naglilipat ng ilang puno ng amarilyo o marigold, brides of the sun… bringers of money when the blooms are displayed in the kitchen… at nagtataboy nga ang taglay nitong thiophene and a-terthienyl sa mga pesteng kulisap—kasama na ang kagaw, langaw, ipis, at lamok-dengue pero hindi kayang itaboy ang mga kumakampanyang pestedente. At sa tulad kong Diablolo, naghahangad din na makaiwas sa peste’t makahakot ng pera ang mga ginigiliw na apo, mwa-ha-ha-haw!
Dalawang sako (P60 sansako) ng organic compost ang pinaglagakan ng mga pumpon ng amarilyo… ‘langya, mas first-class compost, Malabanan grade, Jocjoc Bolante type yata ang ibinubulwak ng mga tagapagsalsalita sa Palasyo pero mahirap nang subukan na doon maglagak ng kahit na anong pananim… baka masalanta’t mautas lang.
Ah, ‘yang pagsisinop-lupa’t pangangalaga ng halaman, parang punyagi na maibalik ang kahit na pirasong gunita sa iniwang Eden, mula nilisang Paraiso.
And in tending to down-to-earth, mundane tasks in gardening, the tender reaches out for a snatch of the divine. In tending, there will be tenderness.
Thursday, February 04, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment