Wednesday, February 10, 2010
ARAW NG MGA PUSO, GABI NG MGA PUSON
MUSMOS na susubsob sa dibdib mang tuyot
Masuyong susupsop sa utong na pulot…
Sisimsim ng tamis, katas ng lamukot
Pupukaw sa alab at liyab ng hamog!
Simoy ng disyerto ang buntong-hininga
Hahaplos sa leeg, sa puno ng tainga…
Sa batok… sa pisngi… sa pikit na mata…
Pitik-bulag wari, didila sa baga.
Guyang gagalugad mula sa gulugod
Sa gulod at parang, liblib ng lupalop…
Pagnanasa’y pastol, alagaing hayop
Silang mga kamay, kukumot… kukurot…
Kung sa talampakan guya ay gumawi
Upang maghalungkat ng tagong kiliti—
Gatla’y malilimbag sa tabi ng labi,
Sa gilid ng mata… sa bawat pagngiti.
Makailang ulit, laging malalagda
Ang alon ng ngiti at agos ng tuwa
Maging luwalhati—iiwan ay gatla
Nitong pagsasalo, bawat pulot-gata…
Sampitsel na gatas ng pusong kaylawak
Na kung ilang supling nag-iwan ng yapak
At kagampan pa rin sa untag ng galak—
Luluwal na nektar may tamis ng alak!
Sa kung ilang supling na doon nagkanlong
At kung ilang anak na doon kinandong
Kamusmusang kimkim muling paroroon
Sa sinapupunan na nilisan noon…
Garing na haligi magkabilang hita
Karimlan ng gabi ang ngiti sa gitna—
Ngiting sa tuwina’y laman ng gunita
Ngiting may asukal, supsupin ng dila!
Kung upos at abo ang doon lumagak
At sigid ng lamig ng mga magdamag…
‘Sangkuntil mang titis, ‘santatal na diklap
Sa piping kataga—mapaglalagablab.
Katawan mang gapok, dadalhin sa rurok
Yayakap sa apoy—liliyab na lubos!
Kaliyag, kaliyab, kabiyak na taos
Kasabay iindak sa himig ng hamog…
Ang mga pangamba’y damit na nahubad
Maging panganib man—wala nang kamandag
Sa ugoy ng duyan ng laman at lamad…
Pag-inog ng mundo pilit maaampat…
Hihimbing sa lambing ng mga pangako
Ng ilang pag-asa at libong pagsuyo--
Kahit sa agahan ang hapag ay tuyo
Kahit nagbabanta mga pagkabigo…
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment