KUNG sila raw ang masusunod, huwag na lang daw akong magtungo sa isang lalawigan sa katimugan para magkalkal ng maiuulat. Sila: isang fiscal na nakatalaga sa Taguig, isang information officer sa Kamara’t isang hepe ng tanggapan sa LTO.
In vino veritas—katotohanan ang ilalagaslas ng alak, magsalitan man ang dilim at liwanag. Light beer sa kanila, dark beer sa ‘kin nang magkaumpukan sa bungguang-bote’t palitang-kuro.
Talamak daw sa power trip ang pulitikong warlord na namamayagpag sa lalawigan doon. Nakabukakang lihim sa tanan ang mga kabulukan at katiwalian sa pamamahala nito. Pero naka-zipper naman ang bunganga ng lahat ng nasasakupan. Walang magtatangkang magbunyag.
Walang pangimi kung magtumba ng sinuman ang mga kampon ng naturang political warlord.
‘Kako’y laging dumarating, hindi mapipigilan kahit hindi inaasahan ang tinatawag na Gottardammerung. Iyong takipsilim ng mga namamayagpag na bathala. Si Ambrose Bierce yata ang nagsabi: mahusay na umiiral ang timbangan ng kapangyarihan sa demokrasya sa pamamagitan ng checks and balances at paminsan-minsang pagliligpit ng mga pinuno—assassinations.
Mapalad pa ang alkalde ng isang bayan sa Laguna na napapaligiran ng walo yatang alalay. Nadamay ang mga nakapaligid na alalay nang paslangin ang alkalde. Ni hindi na natugis, ni hindi pa rin nadadakip ang mga salarin.
Maliwanag ‘kako na hindi mapapangalagaan ng sandatahang alalay o kahit pribadong hukbo ang kapangyarihan ng pinuno. Sablay ‘kako ang ipinagdidiinan ng mga nasa Kaliwa. Na ang kapangyarihang pampulitika’y bumubuga sa nguso ng baril.
Mayroong tinatawag na backfire. May misfire. Meron ding tumitimbuwang kahit sa friendly fire.
‘Kako’y mahirap panghawakan ang poder o kapangyarihan. Payo nga sa Spiderman, with great power comes great responsibility. Kung hindi rin lang mapapanghawakan na mahinusay, may pagsasaalang-alang at ilalaan sa mainam na paglilingkod, makabubuting isalong na lang, isuko ang taglay o kinamkam na kapangyarihan.
Payak lang ‘kako ang kahulugang ng kapangyarihan—kakayahan o kaalaman para may mangyari, maganap, magawa. Power boils down to making things happen.
One of the most powerful people I’ve stumbled into in the last few decades wasn’t obscenely rich to plunk down money, rip up the grounds and desecrate horizons with a proliferation of ugly malls. She didn’t store up an arsenal of firepower to arm an army.
She was a homely old lady who gave up her powers—she practiced a dark sort of witchcraft.
P20,000 lang ang katumbas ng sinuman na ipaliligpit sa pamamagitan ng kanyang kakatwang poder. At marami siyang nailigpit. Paktol daw ang kanyang pamamaraan sa pagkulam.
Buong pangalan lang ng biktima ang kailangan. Ni wala nang matagalang reconnaissance o surveillance para matukoy ang mga kahinaan ng ililigpit. Paliwanag nga ng payaso sa dulang Los Intereses Creados ni Jacinto Benavente: “Tengo cualquiera al alcance de mis versos.”
Sa madaling sabi, mahahagip ang sinuman sa sunggab ng mga taludtod. Kahit ‘yung tinatawag na in absentia o nagtatago sa kung saan-saang lupalop tulad nina Jocjoc Bolante at Hello Garci, matutudla pa rin. At tiyak na matotodas kapag binasahan ng tinatawag na death sentence.
Ganoon man katindi ang natutunan niyang kapangyarihan—na nagbigay din sa kanya ng kontrata sa pagpatay—nitong huli’y isinalong at isinuko rin ng matanda. Hindi na raw niya maatim pa ang pumatay at humaba pa ang listahan ng kanyang mga biktima—walang pinipili, mayaman man o pobre pa sa daga, armado man ng mataas na kalibreng armas, ligid man ng bakal, bubog at kongkreto’t modernong security system ang pamamahay o kutang pinaglunggaan… sapin-sapin man ang Kevlar bulletproof vest… Titigok pa rin kapag binabaan ng kakatwang death sentence.
“Tengo cualquiera al alcance de mis versos.”
Ganoon ‘kako ang matinding power trip.
Wednesday, October 31, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment