PAMPALAMBOT at pampatigas yata ng titig ang mga iyon. Tatluhang pangkat na katumbas ng kilabot na triad o dong sa Cantonese. Tatlong hukluban na may mga pakpak ng sisne o swan ang unang pangkat. Mga ginintuang kaliskis-ahas at kung anong bagwis naman ang taglay ng ikalawang pangkat. Tiyak na ibabaon ang titig sa sa kanilang pekpek, este, pakpak nga pala…
So I have this huge crush on someone called Enya— she’s a bit huge I sort of feel crushed kaya binalikan na lang ang talagang unang crush sa masayang kamusmusan, one of three Gorgon sisters named Medusa who’s an eyeful in Greek mythology.
Pero bago natunton ang kinaroroonan ng magkakapatid na Gorgon, sumangguni muna sa tatlong matandang magkakapatid na pasa-pasahan naman sa iisang mata para makakita’t mahalihaw ng tanaw ang kanilang paligid. Sila ang may mga pakpak-sisne.
Para sa lumalaking bata na nagsisimula pa lang maghimay ng mga kakatwang tayutay o idiomatic expressions, napakarikit na halimbawa ng mga ganoong uri ng babae. Sharing a viewpoint. Looks that petrify. May tatlo na nagpapahiram ng paningin para maunawa’t magkamit ng kaalaman sa mga bagay-bagay. May tatlo naman na magiging bato bawat mahagip ng titig—halos pawang pader ang kanilang paligid.
Noon pa man, kinutuban nang dalawang mukha ng iisang bagol ang tatlong hukluban na nagsasalo sa iisang paningin at ang tatlong Gorgon na nagiging bato bawat lambatin ng tanaw—ni hindi na nga tatablan ng talim ang tigas ng leeg ng dalawa’t kay Medusa na lang ang hindi pa gaanong makunat.
Labis na aba’t napakahamak ng kalagayan ng unang tatlo. Nagsasalo sa iisang pananaw, magugunita ang awit ng Beatles, “let’s see it my way, we can work it out.” Napakahamak man, hindi pahamak ang katangian ng kanilang pananaw—sa paham o genius nga. Three fields of vision are triangulated for unique insight and foresight into the essence of things.
Hagupit ng lupit na gipit ang pananaw-Gorgon. Parang masikip na pananaw ng makatang nakamasid mula sandipang kulungan sa sandipang langit. Pananaw ng palaka na nakalublob sa loob ng balon. Pansin ng isa pang makata, ito ang pananaw na bubuo lang ng pader kahit saan itingin—and those who stonewall can see enclosing walls in any direction, even if there’s an open doorway.
Parang gobernador ng aming lalawigang Bulacan. Ayaw ipakita ang pinagmulan ng ginintuang kaliskis-Gorgon na ipinamudmod kamakailan sa Palasyo sa Pasig, Basta sumulpot na lang kung saan ang mga supot ni Hudas na iniabot pati sa gobernador ng Pampanga. May naganap mang himala na kahina-hinala, mayroon namang naibuyangyang na katibayan ng 30 pirasong pilak ang Pampanga governor. Hindi katulad ng isang kinatawang kaliwa’t saliwa na inalok pa lang ng P2 milyon, kumatsang na pero walang maipakitang matibay na ebidensiya, mwa-ha-ha-haw!
Masaya siyempre ang tingin ng Gorgon—bawat titigan, tiyak na maninigas. Baka nga may unexpurgated version ang naturang alamat na maaaring may kasi-kasiping ang magkakapatid na Gorgon na may talamak na erectile dysfunction na ang naging remedyo nga’y dapat matamang titigan. Para manigas.
May isinukling gantimpala sa ganoong stiff-necked vision. Pinugutan ng leeg.
Pero noong paslit pa lang, talagang maiisip na huwag nang makisalo sa paglilipat-lipat at pagsasalin ng paningin sa tatlo o higit pang paraan. Eye such a sight from this perspective. Eye such a site from this and that level of perspective. See it in another dimension. Take another look. Look some more, see more. Soak in the sights. See it with new eyes.
Mahihiling na kahit kaliwang mata lang ni Medusa’y maipalit sa sariling mata—o kahit ihalili sa mata ng pigsa sa bisig, madalas ako noong tubuan ng pigsa’t madalas ding magpahinog ng mata niyon para mapiga’t lumilamsik palabas. Sa mata ng pigsa yata nagmula ang eyeball o harapang pagkikita.
Isipin na lang kung nasalinan ng mata ni Medusa. Palalagyan ng takip, eye patch na parang weapon of mass destruction na kailangang hindi ilalantad. Tutungkabin lang ang takip sa mga natatanging okasyon, halimbawa’y habang nanonood ng Congress joint session sa state of the nation address—maraming mababato sa mga naroon.
Dinalaw ng mga ganitong sagimsim nang sumanggani ang isang anak para mapahusay naman ang tingin sa kanya ng kapatid na lalaki ng kanyang nobya. Wala naman ‘kakong magagawa kung sulipat ang tingin ng kahit na sino sa kanya.
These days, we can’t share plain sights—even deep insights or foresight, pwe-he-he-he!
Monday, October 15, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment