NAKATULUGAN na ang panonood sa mga nalalabing tagpo ng pelikulang Night of the Living Dead ni George Romero. Sa karatig na bulwagan ng National Press Club, walang humpay pa rin sa paghimay ang mga kabungguang-bote sa isinalampak na pasya ng Sandiganbayan kay Erap Estrada.
Ikalawang gabi ng Ramadhan nitong Setyembre 14, ni hindi makadungaw sa maulap na kalangitan ang talim na lingkaw ng bagong buwan. Gamit sa pag-ani ng butil ang lingkaw o kujang—at kabilang yata sa mga ginilit sa gapasan ang leeg ng dating artista.
Dalawang pantig ng katagang Ramadhan ang pilit namang sininop. Matagal nang nakalibing ang tahasang katuturan ng ‘ram’. Kailangan pang hukayin. Kabilang ang pantig na iyon sa may 48 butil ng mga punlang pantig na tinuhog bilang bungo, naging kuwintas ng bathala ng pagpuksa’t pagkakaloob ng kapangyarihan. Nasa kuwintas ng mga bungo ni Kali.
Liyab ng apoy ang maipupunlang butil ng ‘ram.’ Inihahasik sa pitak ng puso upang lubusang maglagablab. Upang maging masigla ang pagliyab sa pagpintig at dumaloy na apoy hanggang sa pinakamaliit na ugat na nagsalabat saanmang bahagi ng katawan.
Apoy sa dibdib ang ‘ram.’ Matimyas na galak ang lubusang katuturan. Delight!
Maaari ring paigkasin ang naturang apoy para lubusang matupok, maging abo ang makakatunggali. Magagawa lang iyon kung may naihasik na’t pinalagong mga butil ng ‘ram’ sa mga liblib at kubling pitak ng dibdib.
May adhan sa Ramadhan—limang ulit sa bawat maghapon at magdamag na mauulinig ang panawagan mula sa mga mosque. Limang ulit bawat araw na uuntag at aantig:
“Allahu Akbar. Allahu Akbar.Allahu Akbar. Allahu Akbar.Ash-hadu an la ilaha ill-Allah. Ash-hadu an la ilaha ill-Allah.Ash-hadu anna Muhammad-ar-Rasoolullah. Ash-hadu anna Muhammad-ar-Rasoolullah.Hayya 'alas-Salah. Hayya 'alas-Salah. Hayya 'alal-falah. Hayya 'alal-falah.Allahu Akbar. Allahu Akbar.La ilaha ill-Allah….”
Ramadhan. Matimyas na galak sa panawagan upang mag-alay ng panalangin. Maliyab, marikit na paghahasik ng panalangin sa Maykapal.
Agaw-tulog na’t ilang ulit na kinukusot ang mga mata habang nakatambad sa TV ang ilang huling tagpo sa Night of the Living Dead—there they are the dead driven by mindless hunger to eat the living and here we are the living driven by similar mindlessness to feast upon chunks and morsels off the dead…
Sa ikalawang palapag ng dating Good Earth Emporium sa Sta. Cruz, Maynila: hindi nakayanan ng katawan ng isang dalaginding na Muslim ang unang araw ng ayuno. Nanlupaypay. Pinauwi ng kanyang pinaglilingkuran upang magpahinga’t sanayin ang katawan sa paghuhumiyaw ng isaw sa pagkain.
Nabanggit naman ng aking suki sa DVD na instant mami ang nilantakan niya kanginang takipsilim,,, iyon ang nakayanan ng kanyang bulsa para maisapin sa sikmura. Aniko’y tigmak sa pampalasang kemikal at samut-saring asin ang instant mami. Parusa lang sa bato, sa atay at sa puso. Dapat ituring na haram.
Aniko’y murang mura lang ang cracked oats na pagkain talaga ng kabayo—kaya naman matibay sa gutom at kumakayod pa rin kahit gutom ang kabayo. Hindi rolled oats kundi cracked oats na mabibili sa mga tindahan ng sangkap na gamit sa panaderia sa Quiapo. Gawing lugaw, samahan ng pasas—na sagana naman sa bio-available iron o bakal na kagyat na maisasalin sa katawan. Abot-kaya rin ng bulsa ang pasas. Sa mga ganoong pagkain may itatagal ang katawan sa maghapong ayuno.
Nakatulugan ko sa takipsilim matapos ang ikalawang gabi ng Ramadhan ang mga patapos na tagpo sa Night of the Living Dead. Papaidlip at nauulinig ang balitaktakan sa naging pasya sa dating artista. Na matatandaang nagpahain at lumantak ng lechon de leche sa isang kuta ng mga Muslim sa katimugan.
Wednesday, October 31, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment