BUNTON ng mga ulat at sinulat ang tinahip ng mga patnugot ng isang talatinigang English. Humiwalay ang busal sa butil—natukoy ang100 katagang gasgas na gasgas sa pagsulpot sa alinmang usapin, talakayan, pati na karaniwang usapan sa araw-araw.
Time o panahon ang nangunguna sa pinakagasgas na kataga. Talaga yatang tangay sa aliw-iw at kasaliw ng panahon ang daloy ng pamumuhay at kabuhayan.
Patunay ang nagtusak at nagtusok na page impressions sa mga lunan sa Internet ukol sa pang-araw-araw na pagtaya sa lagay ng panahon. Nakasalalay kasi ang buhay at kabuhayan sa mga samut-saring gawain na kakawing sa pagkain— isang napakahabang tanikala mula sakahan hanggang pamamahagi sa mga pamilihan pati na paghahain sa mga hapag-kainan.
Panahon pa rin ang pakay ng pagmamadali sa paglasap at pagsangkap ng punyagi sa bawat sandali—kung maaari.
Ilang ulit na nahagip ng ulan ang ibinibilad na tumpok ng mga sili—labuyo, Cantonese, at pansigang—sa arawan. Kailangang matayantang sa araw bago halu-halong liligisin lamukot, buto’t balat sa almires o lusong. Sasangkapan ng niligis na ilang ulo ng bawang, ilang daliri ng luya’t mga mumunting hiwa ng labanos o murang ugat ng malunggay. Sasamahan ng ilang kutsarang asukal para masawata nang konti ang anghang. Sa mga ganitong ligis na sangkap igugumon ang mga hiniwa’t pinigang dahon at tangkay ng petsay Baguio o Napa cabbage.
Isasalin sa garapon o banga, sambuwang ititinggal sa isang sulok ng refrigerator o ibabaon sa lupa. Ganoon ang “pagpapahinog” o paglalaon sa kim chee. Mainam itong pambukas ng gana sa pagkain. O ihahain na katuwang ng inihaw o pritong isda. Habang umuusok ang kanin, uusok naman ang tainga’t ilong sa sikad-anghang ng kim chee.
Pinakamadaling isahog saanmang usapan at usapin ang pagkain, batay sa natuklasan ng mga mananaliksik. Kaya tiyak na madaling maisasahog at magiging palabok ang panahon—na lagi’t laging kakawing sa samut-saring gawi’t gawa ukol sa pagkain.
Talagang nakasanayan nang namnamin ang maliwag na pagkain. ‘Yung slow food. ‘Yung nilaon sa usad ng panahon. Hindi minadali. Ano nga ang salawikain na nakaukol sa ganoon? Ang bungangang nahinog sa pilit… sapilitang magdirikit?
Teka, bungo man ng sariling ulo hilaw pa rin kahit ikalburo. Ikalburo ma’y manggang kalabaw, mahinog man lasang hilaw.
Ni hindi nasimulan ang pagbabad ng petsay sa tubig at asin para katasin. Sinapian ng amag ang mga siling labuyo’t Cantonese. Nangatunaw naman ang mga siling pansigang. Pero hindi naman lubusang nasayang—Capsicum frutescens ang sili, nakasaad sa pangalan ang taglay na capsicin na maisasangkap sa pamatay-kulisap. Ikinanaw na lang ang ilang dakot na sili sa bangang may nakatanim na water hyacinth at sagittaria. Iwas sa kiti-kiti. Na nagiging lamok.
Inaangkin tayo ng mga inaangkin natin. Ganoon ang giit ng aming dalubguro Raul S. Gonzalez na taga-Mandaluyong pero hindi kandidato upang ipasok sa Mandaluyong. May ilang bayong din marahil ang naimbak kong mga kataga, paulit-ulit na ihahabi, ihahayuma’t itatagni sa mga hibla’t himaymay ng pangungusap—ah, such sequins and sequences of words one can stitch into the fabric of thought.
Sa isinagawang adult literacy classes sa mga manggagawang pansakahan, natukoy naman ang kataga na may pinakamatimbang na kahulugan. Pinakamalapit din sa puso nila ang katagang “lupa.” Kasi, tila sudsod ng araro na nakasubsob doon ang kanilang pamumuhay.
Kaya “lupa” ang titibok sa kanilang dibdib, aalingawngaw sa kanilang isip. Hindi tiwalag sa kanilang gawaing pangkabuhayan ang “lupa.” Gasgas na gasgas, pagas na pagas pero lagi’t laging may ibabalikwas na katuturan sa pamumuhay nila ang “lupa.”
“Miskol” daw ang salita ng taon para sa isang pangkatin ng mga text maniacs. Matindi ang katuturan niyon sa kanilang pamumuhay.
“Dyakol” naman ang iminungkahi ng isang katoto. Nakasalalay daw kasi sa sariling kamay ang pangangalaga sa kuyukot kontra prostate cancer. Saka mas may pakinabang daw sa digital technology.
Wednesday, October 31, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment