Friday, October 19, 2007

Ale Baba & Plenty Thieves

SAWIKAIN ng mga Tagalog ang ipinagpipilitan: kapatid ng bulaan ang kawatan.

Baka naman kaugnay ito ng inilalapat sa pangalan ng mga kawatan. Este, kinatawan nga pala sa House of Thieves, oops, House of Representatives, Ito ‘yung tinatawag yatang tahanan ng mga diputado o sa wikang EspaƱol, Casa de los Hijo de Putados. Madalas ngang tanggalin ang huling pantig na –dos kasi sobra sa 200 silang nakalublob doon. Lalaspag ng mga P200 milyon para magkasundong bumuo bawat isang batas na walang balak maipatupad kahit palit-pangalan lang ng kalye o eskinita. They’re kindred spirits, not kind, though.

Tinatawag kasi sila, Hon. Your honor pa nga ang pasakalye bago sila magtaltalan sa kapulungan. Malakas ang kutob naming ito na ang tinutukoy ng kasabihan naman sa Ingles: There is honor among thieves.

Hindi naman kami nagtataka nang dumagsa nitong nakaraang linggo ang mga your honor upang sumagpang ng agahan o almusalsal sa Palasyo sa Pasig. Sumulpot na lang sa mga bali-balita na may nagbigay sa kanila ng pabaon sa pag-uwi. Dalawa ang nagkumpisal—tig-P500,000 ang natanggap nila. Masaklap na hindi maturol ni matiyak kung sinu-sino ang mga kumag na naghatag.

At nagsiklab nga ang Ale Baba nang magkatimbugan tungkol sa mga bulaang kapatid ng kawatan—para bang pamagat ng isa sa mga kinagiliwang kuwento ni Scheherazade na nakatakdang pugutan ng ulo matapos matikman ng esposong sultan sa 1001 Arabian Nights, ‘yung Ale Baba and Plenty Thieves.

Samantala, nagpupuyos naman daw ang mga kawal sa sumingaw na panibagong kawalanghiyaan—ni hindi raw kasi nakakatanggap ng P150 bawat araw na combat pay at tatambad nga naman sa kanila ang mga bali-balita ukol sa mga your honor na lumablab na ng saganang almusalsal, binigyan pa ng dagdag na masasagpang na tig-P500,000.

Nang masipat nga ang anyo ng puno sa aming lalawigan na bumulaga sa TV, talagang namimintog sa busog. Parang patabaing baboy na inihahanda sa katayan. Hindi lang namin matiyak kung sinu-sino ang aatasan ang kanilang sari-sarili para katayin ang mga ganoong patabain na pumuputok ang katawan sa saganang cholesterol.

Nagugunita tuloy ang isa sa mga naging aralin sa Sunday school, ‘yun bang itinaboy ni Jesus Christ ang isang pangkat ng mga demonyo. Pumasok sa kawan ng mga patabaing baboy na kasalukuyang nanginginain ng almusalsal—sarap na sarap siguro’t baka sa panlasa nila’y nasa handaan sila sa Palasyo sa Pasig.

Nang masapian ng samut-saring demonyo ang mga baboy, nagsipagpulasan. Tumalon sa bangin. Tigok lahat. Ang natutunan naming moral lesson sa naturang kuwento mula Banal na Kasulatan, mas matindi pala ang kahihiyan ng mga baboy.

‘Yung kawan-kawang baboy na inanyayahan para mag-almusalsal sa Palasyo? Sagana daw sa lamon ng pork barrel ang mga ‘yon.

At kakaiba ang mga baboy na ‘yon—kaya nga matindi ang paniniwala namin na madalas silang absent sa Sunday school. And millions of pesos are scattered before swine—butata pati mga ipinapayo ni Jesus Christ kaya mas sikat talaga ang mga demonyo’t diyablo dito sa Pilipinas, ‘tangna talaga.

Pugot na ulo ng baboy nga pala ang tinuhog at itinulos para sambahin sa obra ni William Golding, ‘yung Lord of the Flies. Ang tinutukoy na panginoon doon ay si Belial, isa sa top three demons in hell.

Balak naming batukan ang aming Sunday school teacher. Pulos kabalbalan lang ang natutunan namin.

Samantala’y hinihintay naming tumalon sa bangin ang mga baboy, kung meron silang kahihiyan at may matatagpuang bangin. At naghihintay din marahil ang iba pa na pugutan ng ulo ang mga baboy, itulos at sambahin ng balana tulad ng aming nabasa sa Lord of the Flies—talagang namamayagpag at sinasamba sa Pilipinas ang mga kampon ni Satanas.

Mwa-ha-ha-haw!

No comments: