Wednesday, October 31, 2007

Gaya mo ba 'to?

GAYAHIN. Tularan. Sundan. Kung ano ang ginagawa at paiiralin ng isang tinangkilik ng madla, gagagarin na rin ng iba pa para matangkilik rin. Hindi dapat maging iba, liban na lang sa sasalpakang lugar—ganito yata ang makikiangkas na lang sa franchise, sasakay sa tagumpay ng iba.

Parang cloning—pararamihin ang kopya ng isa na kilalang-kilala ng balana. Kuntento na ang mahilig manggaya sa ganoon. Gaya-gaya puto maya, h’wag ka nang mag-aksaya.

Pero sa mga ibig maging iba, talagang it pays to make a difference. Why, cloning is a mode of asexual propagation and isn’t necessarily as satisfying and sexually challenging as the old-fashioned coupling to spring forth a brainchild.

Limang buwan mula Nobyembre hanggang Marso, sarado ang No. 1 restaurant sa buong daigdig. Matatagpuan sa Spain—ang El Bulli. Pitong buwan lang nakabukas. Para sa mga panauhin na kailangang kabilang sa reservation list—guests have to make reservations a year or so in advance. Ganoon ka-astig ‘to.

So it’s closed for five months every year, can that enterprise still make truckloads of money? They still can. An elite clientele the outfit caters to are coughing truckloads. They keep coming back to shell out some more for a fill of “unexpected contrasts of flavor, temperature and texture. Nothing is what it seems (in a cuisine meant) to provoke, surprise and delight the diner."

El Bulli isn’t likely to have itself cloned, ply out multi-million dollars worth of franchise to eager beaver takers out to cash in on the outfit’s reputation that it has built and earned for itself.

Pila-balde rin ang mga naghahangad na bumili ng pinakamasarap na serbesa sa buong daigdig. Alinmang panahon, anumang pagkakataon laging mas marami ang mamimili kaysa maipagbibili sa naturang serbesa—ni wala nga yatang tatak, non-branded.

Ni hindi nga alintana ang papasok na kita mula sa ordinaryong produkto na magagawa palang ekstra-ordinaryo. Cistercian monks ang gumagawa ng naturang beer sa isang monasteryo sa Belgium. Bahagi lang ng kanilang matinding disiplina ang pangangalaga sa mga pananim na magiging sangkap sa naturang inumin. Kakatwang pagpanday ng katauhan at pagtugon sa mga pangangailangan ng kaluluwa’t isipan—laborare est orare, orare est laborare. Ang gawain ay dalangin, dalangin ay gawain.

And in sustaining the demands of the spirit through earnest work, the by-product turns out to be a much sought-after drink, maybe nearly equal to the alchemy plied out by the Master in a wedding at Cana when he turned pronto water into wine.

We’re likely to turn water into whine.

Mayroon kaagad isasangkalang dahilan. Hindi kakayanin. Mahirap gayahin ang mga ganoong nagawa na—world-class, world-beater. Iba na nga naman ang sigurista’t oportunista, sasakay sa tagumpay na nagawa ng iba. Mas madaling maging kaliskis o balakubak ng lumalaking dambuhala, kaysa maging ulo ng sisiw na hindi tiyak kung bubulas na manok, uwak, limbas, lawin o agila.

Mas madaling maging clone—kayang-kaya kahit kinakapos na sa libog, nanlulupaypay na ang utog, kahit may erectile dysfunction.

Mas mahirap yata… Pero mas masarap at mas masayang bumarukbok. Mag-aruga’t magpalago ng sariling supling. Ganoon yata ang diskarte ng astig na entrepreneur. Barako sa sariling negosyo.

Sapul 1890s, nagpalipat-lipat lang sa ibang lugar ang Wah Sun at Ambos Mundos na magkaharap ngayon sa bunganga ng Florentino Torres sa Sta. Cruz, Maynila. Kahit antigo na, dinadagsa pa rin ng mga parokyano.

Sapul 1900s, nanatiling nakatindig ang Ma Mon Luk na mami’t siopao lang ang handog sa balana—ni hindi naisipang ikalat ang lihim na mga sangkap ng sabaw sa mami, ni hindi naakit na makisakay sa franchising bandwagon.

Antigo na sa Binondo, Maynila ang Smart Panciteria pero lumipat nga sa Libis, Quezon City—sinundan doon ng mga nawiwili sa kangkong in lechon sauce.

Alin kaya sa mga astig na ‘to ang kaya mong gayahin?

Mga halamang pampalibog

VAGINARIAN, oops, vegetarian nga pala ang karamihan sa mga Pilipino sanhi ng walang patumanggang lantak sa pambansang pagkain—parang sinabawang gulay na instant noodles na karaniwang P5 sampakete na mula sa trigo’t tinambakan ng kung ilang pabrika ng kemikal na pampalasa’t sinalpakan ng tatak “Sangkap Pinoy” ng Department of Health. Pero hindi maliwanag kung ano talaga ang sangkap na ‘yon. Na baka naman giniling, pinatuyo’t pinulbos na laman-loob ng mga natigok, hinango mula iba’t ibang punerarya, pwe-he-he-he!

Buwan ng nutrisyon ang Hulyo na kaarawan ko ang huling araw kaya inaanyayahan ko kayong lumapang ng mga pagkaing umaantig at umuuntag sa utog:

1.Anis (Pimpinella anisum) na nagtataglay ng masamyong langis na pampasigla at mahusay sa sikmura na nasa dakong itaas ng puson na ang nasa dakong ibaba ay hindi amoy anis minsan yata’y panis.

2. Asparagus (Asparagus officinales) - Pampaihi, nagpapasigla sa bato—pero wala talagang remedyo para sumigla ang batugan—at pinaniniwalaang ang mga mahilig kumain ng asparagus, mahilig ding kumain.

3. Arabika (Coffea arabica) Sagradong inumin ang kapeng Arabika sa mga Muslim na Sufi mula Africa. Para sumigla ang utog, timplahan ng cardamom at pulot ang lalaklaking kape. Pangontra din sa diabetes mellitus at alta-presyon.

4. Avocado (Persea americana) Mayaman sa unsaturated fat na ubrang hatakin pababa ang antas ng masamang cholesterol. Pantulong para maisalin sa dugo ang sustansiya ng iba pang gulay at bungang-kahoy. Ubrang gadgarin ang buto nito’t gawing tsaa. May katangiang maglaglag ng nabubuong bata sa matris. Pampasigla ng katawan.

5. Basil o balanoy (Ocimum sanctum) Itinuturing ng mga Hindu na halamang banal, iniaalay sa bathaluman ng kariktan at kasaganaan, si Lakshmi at kabiyak niyang si Vishnu. Karaniwang nakatanim malapit sa mga altar. Pananim din sa paligid ng pamamahay upang maging tanod kontra sa inggit at masamang pita ng mga kapitbahay. Ginagamit na butil ng dusaryo ang kahoy nito. Kumain ng isang dahon bawat araw upang manatili ang kalusugan, magaang na pamumuhay at mataas na sigla ng utog.

6. Bawang o garlic. Pampasigla. May katangiang antibiotic, Ginagamit nang pampalibog sapul ialay ito ng mga Romans kay Ceres, bathaluman ng fertility. Para lalo pang sumipa ang utog, kailangan daw ituwang sa wansoy o coriander na masarap na sawsawan sa inihaw na hito, dalag o bangus.

7. Kakaw (Theobroma cacao) Feel good food ang sikulate na mula sa pinulbos na buto ng kakaw. Nakapagtataka nga na samut-saring astig na produkto mula kakaw ang nalikha ng Belgium at Switzerland—na hindi naman mga bansang tropiko’t umaangkat lang ng tone-toneladang buto ng kakaw sa mga bansa sa Africa. Karaniwang sikulate at bungkos ng rosas ang iniaalay sa kasintahan o kabiyak para maging pasakalye sa biyakan. Itinuring na “pagkain ng mga bathala” ng sinaunang Aztec sa Mexico. Pambayad noon ang mga buto ng kakaw sa mga pokpok. Nagtataglay ang kakaw ng theobromine, caffeine, at phenylethylamine. (Pampatindi din nga pala ng libog ang ensaladang bulaklak ng kakawate o madre de kakaw na karaniwang panlilim sa pananim na kakaw.)

8. Cardamom (Elettaria cardamomum). Pampaganang rekado na inilalahok sa kape para tumingkad ang paghuhuramentado ng singkapan na nakapagitan sa nag-uumpugang hita.

9. Carrot (Daucus carota). May beta-carotene na, may Vitamin A pa ang ugat na gulay na pampalinaw ng mata para lubusang masipat ang karaniwang kinakapkap at kinakapa-kapa sa dilim at mga bahaging nakalublob sa karimlan.

9. Durian (Durio zibethinus). Mala-krema ang lamukot nito na matindi man ang alingasaw sa kakalkal sa mga dinding ng ilong, malinamnam naman ang hagod sa dila. Talaga namang sa kung saan-saang liblib na sulok at singit inihahagod ang dila.

10. Mustasa (Brassica nigra) – Pampatibay ng paninindigan, pampasigla ng kuwan at talagang masarap ang hilaw na dahon ng mustasa na pagbalutan ng tipak ng inihaw na hito at burong Candaba o balaw-balaw na hawig sa amoy ng pekpek ang halimuyak. Masarap ding ihalo ang burong mustasa sa pritong itlog. At muy siempre, panalong kalahok ng sinigang na kanduli sa miso o ginataang tambakol na maraming kalahok na sili.

(Abangan ang susugod na kababata!)

Gutom sa madaling-araw

NAKATULUGAN na ang panonood sa mga nalalabing tagpo ng pelikulang Night of the Living Dead ni George Romero. Sa karatig na bulwagan ng National Press Club, walang humpay pa rin sa paghimay ang mga kabungguang-bote sa isinalampak na pasya ng Sandiganbayan kay Erap Estrada.

Ikalawang gabi ng Ramadhan nitong Setyembre 14, ni hindi makadungaw sa maulap na kalangitan ang talim na lingkaw ng bagong buwan. Gamit sa pag-ani ng butil ang lingkaw o kujang—at kabilang yata sa mga ginilit sa gapasan ang leeg ng dating artista.

Dalawang pantig ng katagang Ramadhan ang pilit namang sininop. Matagal nang nakalibing ang tahasang katuturan ng ‘ram’. Kailangan pang hukayin. Kabilang ang pantig na iyon sa may 48 butil ng mga punlang pantig na tinuhog bilang bungo, naging kuwintas ng bathala ng pagpuksa’t pagkakaloob ng kapangyarihan. Nasa kuwintas ng mga bungo ni Kali.

Liyab ng apoy ang maipupunlang butil ng ‘ram.’ Inihahasik sa pitak ng puso upang lubusang maglagablab. Upang maging masigla ang pagliyab sa pagpintig at dumaloy na apoy hanggang sa pinakamaliit na ugat na nagsalabat saanmang bahagi ng katawan.

Apoy sa dibdib ang ‘ram.’ Matimyas na galak ang lubusang katuturan. Delight!

Maaari ring paigkasin ang naturang apoy para lubusang matupok, maging abo ang makakatunggali. Magagawa lang iyon kung may naihasik na’t pinalagong mga butil ng ‘ram’ sa mga liblib at kubling pitak ng dibdib.

May adhan sa Ramadhan—limang ulit sa bawat maghapon at magdamag na mauulinig ang panawagan mula sa mga mosque. Limang ulit bawat araw na uuntag at aantig:

“Allahu Akbar. Allahu Akbar.Allahu Akbar. Allahu Akbar.Ash-hadu an la ilaha ill-Allah. Ash-hadu an la ilaha ill-Allah.Ash-hadu anna Muhammad-ar-Rasoolullah. Ash-hadu anna Muhammad-ar-Rasoolullah.Hayya 'alas-Salah. Hayya 'alas-Salah. Hayya 'alal-falah. Hayya 'alal-falah.Allahu Akbar. Allahu Akbar.La ilaha ill-Allah….”

Ramadhan. Matimyas na galak sa panawagan upang mag-alay ng panalangin. Maliyab, marikit na paghahasik ng panalangin sa Maykapal.

Agaw-tulog na’t ilang ulit na kinukusot ang mga mata habang nakatambad sa TV ang ilang huling tagpo sa Night of the Living Dead—there they are the dead driven by mindless hunger to eat the living and here we are the living driven by similar mindlessness to feast upon chunks and morsels off the dead…

Sa ikalawang palapag ng dating Good Earth Emporium sa Sta. Cruz, Maynila: hindi nakayanan ng katawan ng isang dalaginding na Muslim ang unang araw ng ayuno. Nanlupaypay. Pinauwi ng kanyang pinaglilingkuran upang magpahinga’t sanayin ang katawan sa paghuhumiyaw ng isaw sa pagkain.

Nabanggit naman ng aking suki sa DVD na instant mami ang nilantakan niya kanginang takipsilim,,, iyon ang nakayanan ng kanyang bulsa para maisapin sa sikmura. Aniko’y tigmak sa pampalasang kemikal at samut-saring asin ang instant mami. Parusa lang sa bato, sa atay at sa puso. Dapat ituring na haram.

Aniko’y murang mura lang ang cracked oats na pagkain talaga ng kabayo—kaya naman matibay sa gutom at kumakayod pa rin kahit gutom ang kabayo. Hindi rolled oats kundi cracked oats na mabibili sa mga tindahan ng sangkap na gamit sa panaderia sa Quiapo. Gawing lugaw, samahan ng pasas—na sagana naman sa bio-available iron o bakal na kagyat na maisasalin sa katawan. Abot-kaya rin ng bulsa ang pasas. Sa mga ganoong pagkain may itatagal ang katawan sa maghapong ayuno.

Nakatulugan ko sa takipsilim matapos ang ikalawang gabi ng Ramadhan ang mga patapos na tagpo sa Night of the Living Dead. Papaidlip at nauulinig ang balitaktakan sa naging pasya sa dating artista. Na matatandaang nagpahain at lumantak ng lechon de leche sa isang kuta ng mga Muslim sa katimugan.

Power trip

KUNG sila raw ang masusunod, huwag na lang daw akong magtungo sa isang lalawigan sa katimugan para magkalkal ng maiuulat. Sila: isang fiscal na nakatalaga sa Taguig, isang information officer sa Kamara’t isang hepe ng tanggapan sa LTO.

In vino veritas—katotohanan ang ilalagaslas ng alak, magsalitan man ang dilim at liwanag. Light beer sa kanila, dark beer sa ‘kin nang magkaumpukan sa bungguang-bote’t palitang-kuro.

Talamak daw sa power trip ang pulitikong warlord na namamayagpag sa lalawigan doon. Nakabukakang lihim sa tanan ang mga kabulukan at katiwalian sa pamamahala nito. Pero naka-zipper naman ang bunganga ng lahat ng nasasakupan. Walang magtatangkang magbunyag.

Walang pangimi kung magtumba ng sinuman ang mga kampon ng naturang political warlord.

‘Kako’y laging dumarating, hindi mapipigilan kahit hindi inaasahan ang tinatawag na Gottardammerung. Iyong takipsilim ng mga namamayagpag na bathala. Si Ambrose Bierce yata ang nagsabi: mahusay na umiiral ang timbangan ng kapangyarihan sa demokrasya sa pamamagitan ng checks and balances at paminsan-minsang pagliligpit ng mga pinuno—assassinations.

Mapalad pa ang alkalde ng isang bayan sa Laguna na napapaligiran ng walo yatang alalay. Nadamay ang mga nakapaligid na alalay nang paslangin ang alkalde. Ni hindi na natugis, ni hindi pa rin nadadakip ang mga salarin.

Maliwanag ‘kako na hindi mapapangalagaan ng sandatahang alalay o kahit pribadong hukbo ang kapangyarihan ng pinuno. Sablay ‘kako ang ipinagdidiinan ng mga nasa Kaliwa. Na ang kapangyarihang pampulitika’y bumubuga sa nguso ng baril.

Mayroong tinatawag na backfire. May misfire. Meron ding tumitimbuwang kahit sa friendly fire.

‘Kako’y mahirap panghawakan ang poder o kapangyarihan. Payo nga sa Spiderman, with great power comes great responsibility. Kung hindi rin lang mapapanghawakan na mahinusay, may pagsasaalang-alang at ilalaan sa mainam na paglilingkod, makabubuting isalong na lang, isuko ang taglay o kinamkam na kapangyarihan.

Payak lang ‘kako ang kahulugang ng kapangyarihan—kakayahan o kaalaman para may mangyari, maganap, magawa. Power boils down to making things happen.

One of the most powerful people I’ve stumbled into in the last few decades wasn’t obscenely rich to plunk down money, rip up the grounds and desecrate horizons with a proliferation of ugly malls. She didn’t store up an arsenal of firepower to arm an army.

She was a homely old lady who gave up her powers—she practiced a dark sort of witchcraft.

P20,000 lang ang katumbas ng sinuman na ipaliligpit sa pamamagitan ng kanyang kakatwang poder. At marami siyang nailigpit. Paktol daw ang kanyang pamamaraan sa pagkulam.

Buong pangalan lang ng biktima ang kailangan. Ni wala nang matagalang reconnaissance o surveillance para matukoy ang mga kahinaan ng ililigpit. Paliwanag nga ng payaso sa dulang Los Intereses Creados ni Jacinto Benavente: “Tengo cualquiera al alcance de mis versos.”

Sa madaling sabi, mahahagip ang sinuman sa sunggab ng mga taludtod. Kahit ‘yung tinatawag na in absentia o nagtatago sa kung saan-saang lupalop tulad nina Jocjoc Bolante at Hello Garci, matutudla pa rin. At tiyak na matotodas kapag binasahan ng tinatawag na death sentence.

Ganoon man katindi ang natutunan niyang kapangyarihan—na nagbigay din sa kanya ng kontrata sa pagpatay—nitong huli’y isinalong at isinuko rin ng matanda. Hindi na raw niya maatim pa ang pumatay at humaba pa ang listahan ng kanyang mga biktima—walang pinipili, mayaman man o pobre pa sa daga, armado man ng mataas na kalibreng armas, ligid man ng bakal, bubog at kongkreto’t modernong security system ang pamamahay o kutang pinaglunggaan… sapin-sapin man ang Kevlar bulletproof vest… Titigok pa rin kapag binabaan ng kakatwang death sentence.

“Tengo cualquiera al alcance de mis versos.”

Ganoon ‘kako ang matinding power trip.

Pagtimbang, pagtimbuwang

“Another important part of the inner ear is the organ of equilibrium, the vestibular. The vestibular registers the body's movements, thus ensuring that we can keep our balance. The vestibular consists of three ring-shaped passages, oriented in three different planes. All three passages are filled with fluid that moves in accordance with the body's movements. In addition to the fluid, these passages also contain thousands of hair fibres which react to the movement of the fluid sending little impulses to the brain. The brain then decodes these impulses which are used to help the body keep its balance. “

KUNG ilang sapin ng papel-sa-nipis na bakal ang pinagsasangkap sa palihan para mahubog ang gulugod at talim ng katana o samurai sword. Malambot na bakal ang nasa talim—kaya tumatagal ang labahang talas. Matigas na bakal naman sa gulugod kaya matatag.

Ganoon ang kakatwang katangian ng kanilang patalim—seda ang talas na hahagod, asero ang taglay na gulugod. Kapara ng katana, ganoon din daw ang katangian ng mahusay na pagkatao.

Mauungkat na kasunod, ganoon ang hahanaping katangian ng kapwa tao? Seda ang talas na ihahagod. Asero ang tibay ng gulugod. Mataman, matagalan ang paghubog sa palihan ng mga ganoong payak na katangian.

Nakasaliw sa ilang saglit na usapan sa telepono ang tugtog ng tropa ni Sting at taimtim na usal ng gayatri mantra.

Napagsama nina Sting and the Police ang two-tone beat ng reggae at ang suwabeng sibasib ng rock and roll.

Nakaugnay sa masasal na tahip ng dibdib at alon ng alpha waves ng utak ang pagbigkas ng gayatri mantra.

Naka-loop ang mantra sa iTune player software ng personal computer. Kaya walang humpay ang agos ng tunog nito.

Tuloy-tuloy lang din ang alon ng reggae-rock and roll fusion nina Sting mula MP3 player software ng personal computer.

Magkasanib ang buhos ng alon at agos tungo sa pandinig.

Nasapol ng sapin-sapin, magkatuhog na tunog at tugtog ang kausap, ipinaaalam ang petsa ng pagpupulong ng inampalan sa “Brightleaf Agriculture Journalistm Awards” sa bulwagan ng isang hotel sa Ortigas Center. Isinama ako sa lupon ng inampalan.

Matapos ang naturang pulong, nabitbit na ‘ko ng kausap sa isang lunan sa Makati. Sa bilihan ng plaka—vinyl music discs—na kalapit-pinto ng tindahan ng diode tube ensemble na mahusay na humihimay ng mga agos ng tugtog at tunog mula plaka o compact disc.

Mahigit isang oras na ibinabad lang ang pandinig sa tunog at tugtog. Na masinop na idinadaloy ang igting at taginting, hindi sinalaula ng pinatingkad na bass na nakakagiliwan ng balana. Malutong pati pagkayas ng himig mula sa mga bagting ng piano o gitara. Sasagi pati sa ulinig ang kaskas at kiskis ng karayom sa inukit na landas sa plaka.

Masakit sa bulsa kahit pinakamurang diode tube ensemble para maisalin nang mahinusay ang mga inimbak na musika sa CD o plaka. Parang makikinig sa live performance, hindi sapal ng tunog ang dadaloy. Each precious note comes clean and clear—not as a gargle of bits and pieces of hogwash made palatable by pumping up the bass to an intolerable maximum.

Sinabi sa kausap na sapat na marahil ang pag-iingat sa vestibular, the organ of body equilibrium na nakapaloob sa tainga. Para manatili ang kakayahan ng panimbang sa sariling katawan at pagtimbang anumang nagaganap sa paligid.

Aniko’y pare-pareho naman tayong nagkakaedad at darating sa gulang na magiging mabuway ang panimbang at pagtimbang—may mga pagkakataon na sasadsad na lang nang iglap, nawalan ng panimbang, lalagapak. Mababalian ng buto. At masaklap kung makakalas pati na balakang.

I’d like to keep the decibel level of the music I love to be attuned and attenuated to at a tolerable hearing level. I sure love heavy metal fused with pieces of prayer like the gayatri or shri mantra or even the Muslim call to prayer offerings.

Mas mahal ang pagmamahal sa sangkap ng katawan sa panimbang at pagtimbang.

Kapag hindi iyon inalagaan, mawawalan ng panimbang at pagtimbang. Timbuwang.

Nagbabantang kataga ng panahon

BUNTON ng mga ulat at sinulat ang tinahip ng mga patnugot ng isang talatinigang English. Humiwalay ang busal sa butil—natukoy ang100 katagang gasgas na gasgas sa pagsulpot sa alinmang usapin, talakayan, pati na karaniwang usapan sa araw-araw.

Time o panahon ang nangunguna sa pinakagasgas na kataga. Talaga yatang tangay sa aliw-iw at kasaliw ng panahon ang daloy ng pamumuhay at kabuhayan.

Patunay ang nagtusak at nagtusok na page impressions sa mga lunan sa Internet ukol sa pang-araw-araw na pagtaya sa lagay ng panahon. Nakasalalay kasi ang buhay at kabuhayan sa mga samut-saring gawain na kakawing sa pagkain— isang napakahabang tanikala mula sakahan hanggang pamamahagi sa mga pamilihan pati na paghahain sa mga hapag-kainan.

Panahon pa rin ang pakay ng pagmamadali sa paglasap at pagsangkap ng punyagi sa bawat sandali—kung maaari.

Ilang ulit na nahagip ng ulan ang ibinibilad na tumpok ng mga sili—labuyo, Cantonese, at pansigang—sa arawan. Kailangang matayantang sa araw bago halu-halong liligisin lamukot, buto’t balat sa almires o lusong. Sasangkapan ng niligis na ilang ulo ng bawang, ilang daliri ng luya’t mga mumunting hiwa ng labanos o murang ugat ng malunggay. Sasamahan ng ilang kutsarang asukal para masawata nang konti ang anghang. Sa mga ganitong ligis na sangkap igugumon ang mga hiniwa’t pinigang dahon at tangkay ng petsay Baguio o Napa cabbage.

Isasalin sa garapon o banga, sambuwang ititinggal sa isang sulok ng refrigerator o ibabaon sa lupa. Ganoon ang “pagpapahinog” o paglalaon sa kim chee. Mainam itong pambukas ng gana sa pagkain. O ihahain na katuwang ng inihaw o pritong isda. Habang umuusok ang kanin, uusok naman ang tainga’t ilong sa sikad-anghang ng kim chee.

Pinakamadaling isahog saanmang usapan at usapin ang pagkain, batay sa natuklasan ng mga mananaliksik. Kaya tiyak na madaling maisasahog at magiging palabok ang panahon—na lagi’t laging kakawing sa samut-saring gawi’t gawa ukol sa pagkain.

Talagang nakasanayan nang namnamin ang maliwag na pagkain. ‘Yung slow food. ‘Yung nilaon sa usad ng panahon. Hindi minadali. Ano nga ang salawikain na nakaukol sa ganoon? Ang bungangang nahinog sa pilit… sapilitang magdirikit?

Teka, bungo man ng sariling ulo hilaw pa rin kahit ikalburo. Ikalburo ma’y manggang kalabaw, mahinog man lasang hilaw.

Ni hindi nasimulan ang pagbabad ng petsay sa tubig at asin para katasin. Sinapian ng amag ang mga siling labuyo’t Cantonese. Nangatunaw naman ang mga siling pansigang. Pero hindi naman lubusang nasayang—Capsicum frutescens ang sili, nakasaad sa pangalan ang taglay na capsicin na maisasangkap sa pamatay-kulisap. Ikinanaw na lang ang ilang dakot na sili sa bangang may nakatanim na water hyacinth at sagittaria. Iwas sa kiti-kiti. Na nagiging lamok.

Inaangkin tayo ng mga inaangkin natin. Ganoon ang giit ng aming dalubguro Raul S. Gonzalez na taga-Mandaluyong pero hindi kandidato upang ipasok sa Mandaluyong. May ilang bayong din marahil ang naimbak kong mga kataga, paulit-ulit na ihahabi, ihahayuma’t itatagni sa mga hibla’t himaymay ng pangungusap—ah, such sequins and sequences of words one can stitch into the fabric of thought.

Sa isinagawang adult literacy classes sa mga manggagawang pansakahan, natukoy naman ang kataga na may pinakamatimbang na kahulugan. Pinakamalapit din sa puso nila ang katagang “lupa.” Kasi, tila sudsod ng araro na nakasubsob doon ang kanilang pamumuhay.

Kaya “lupa” ang titibok sa kanilang dibdib, aalingawngaw sa kanilang isip. Hindi tiwalag sa kanilang gawaing pangkabuhayan ang “lupa.” Gasgas na gasgas, pagas na pagas pero lagi’t laging may ibabalikwas na katuturan sa pamumuhay nila ang “lupa.”

“Miskol” daw ang salita ng taon para sa isang pangkatin ng mga text maniacs. Matindi ang katuturan niyon sa kanilang pamumuhay.

“Dyakol” naman ang iminungkahi ng isang katoto. Nakasalalay daw kasi sa sariling kamay ang pangangalaga sa kuyukot kontra prostate cancer. Saka mas may pakinabang daw sa digital technology.

Friday, October 19, 2007

Ale Baba & Plenty Thieves

SAWIKAIN ng mga Tagalog ang ipinagpipilitan: kapatid ng bulaan ang kawatan.

Baka naman kaugnay ito ng inilalapat sa pangalan ng mga kawatan. Este, kinatawan nga pala sa House of Thieves, oops, House of Representatives, Ito ‘yung tinatawag yatang tahanan ng mga diputado o sa wikang EspaƱol, Casa de los Hijo de Putados. Madalas ngang tanggalin ang huling pantig na –dos kasi sobra sa 200 silang nakalublob doon. Lalaspag ng mga P200 milyon para magkasundong bumuo bawat isang batas na walang balak maipatupad kahit palit-pangalan lang ng kalye o eskinita. They’re kindred spirits, not kind, though.

Tinatawag kasi sila, Hon. Your honor pa nga ang pasakalye bago sila magtaltalan sa kapulungan. Malakas ang kutob naming ito na ang tinutukoy ng kasabihan naman sa Ingles: There is honor among thieves.

Hindi naman kami nagtataka nang dumagsa nitong nakaraang linggo ang mga your honor upang sumagpang ng agahan o almusalsal sa Palasyo sa Pasig. Sumulpot na lang sa mga bali-balita na may nagbigay sa kanila ng pabaon sa pag-uwi. Dalawa ang nagkumpisal—tig-P500,000 ang natanggap nila. Masaklap na hindi maturol ni matiyak kung sinu-sino ang mga kumag na naghatag.

At nagsiklab nga ang Ale Baba nang magkatimbugan tungkol sa mga bulaang kapatid ng kawatan—para bang pamagat ng isa sa mga kinagiliwang kuwento ni Scheherazade na nakatakdang pugutan ng ulo matapos matikman ng esposong sultan sa 1001 Arabian Nights, ‘yung Ale Baba and Plenty Thieves.

Samantala, nagpupuyos naman daw ang mga kawal sa sumingaw na panibagong kawalanghiyaan—ni hindi raw kasi nakakatanggap ng P150 bawat araw na combat pay at tatambad nga naman sa kanila ang mga bali-balita ukol sa mga your honor na lumablab na ng saganang almusalsal, binigyan pa ng dagdag na masasagpang na tig-P500,000.

Nang masipat nga ang anyo ng puno sa aming lalawigan na bumulaga sa TV, talagang namimintog sa busog. Parang patabaing baboy na inihahanda sa katayan. Hindi lang namin matiyak kung sinu-sino ang aatasan ang kanilang sari-sarili para katayin ang mga ganoong patabain na pumuputok ang katawan sa saganang cholesterol.

Nagugunita tuloy ang isa sa mga naging aralin sa Sunday school, ‘yun bang itinaboy ni Jesus Christ ang isang pangkat ng mga demonyo. Pumasok sa kawan ng mga patabaing baboy na kasalukuyang nanginginain ng almusalsal—sarap na sarap siguro’t baka sa panlasa nila’y nasa handaan sila sa Palasyo sa Pasig.

Nang masapian ng samut-saring demonyo ang mga baboy, nagsipagpulasan. Tumalon sa bangin. Tigok lahat. Ang natutunan naming moral lesson sa naturang kuwento mula Banal na Kasulatan, mas matindi pala ang kahihiyan ng mga baboy.

‘Yung kawan-kawang baboy na inanyayahan para mag-almusalsal sa Palasyo? Sagana daw sa lamon ng pork barrel ang mga ‘yon.

At kakaiba ang mga baboy na ‘yon—kaya nga matindi ang paniniwala namin na madalas silang absent sa Sunday school. And millions of pesos are scattered before swine—butata pati mga ipinapayo ni Jesus Christ kaya mas sikat talaga ang mga demonyo’t diyablo dito sa Pilipinas, ‘tangna talaga.

Pugot na ulo ng baboy nga pala ang tinuhog at itinulos para sambahin sa obra ni William Golding, ‘yung Lord of the Flies. Ang tinutukoy na panginoon doon ay si Belial, isa sa top three demons in hell.

Balak naming batukan ang aming Sunday school teacher. Pulos kabalbalan lang ang natutunan namin.

Samantala’y hinihintay naming tumalon sa bangin ang mga baboy, kung meron silang kahihiyan at may matatagpuang bangin. At naghihintay din marahil ang iba pa na pugutan ng ulo ang mga baboy, itulos at sambahin ng balana tulad ng aming nabasa sa Lord of the Flies—talagang namamayagpag at sinasamba sa Pilipinas ang mga kampon ni Satanas.

Mwa-ha-ha-haw!

Monday, October 15, 2007

Pampatigas ng titig

PAMPALAMBOT at pampatigas yata ng titig ang mga iyon. Tatluhang pangkat na katumbas ng kilabot na triad o dong sa Cantonese. Tatlong hukluban na may mga pakpak ng sisne o swan ang unang pangkat. Mga ginintuang kaliskis-ahas at kung anong bagwis naman ang taglay ng ikalawang pangkat. Tiyak na ibabaon ang titig sa sa kanilang pekpek, este, pakpak nga pala…

So I have this huge crush on someone called Enya— she’s a bit huge I sort of feel crushed kaya binalikan na lang ang talagang unang crush sa masayang kamusmusan, one of three Gorgon sisters named Medusa who’s an eyeful in Greek mythology.

Pero bago natunton ang kinaroroonan ng magkakapatid na Gorgon, sumangguni muna sa tatlong matandang magkakapatid na pasa-pasahan naman sa iisang mata para makakita’t mahalihaw ng tanaw ang kanilang paligid. Sila ang may mga pakpak-sisne.

Para sa lumalaking bata na nagsisimula pa lang maghimay ng mga kakatwang tayutay o idiomatic expressions, napakarikit na halimbawa ng mga ganoong uri ng babae. Sharing a viewpoint. Looks that petrify. May tatlo na nagpapahiram ng paningin para maunawa’t magkamit ng kaalaman sa mga bagay-bagay. May tatlo naman na magiging bato bawat mahagip ng titig—halos pawang pader ang kanilang paligid.

Noon pa man, kinutuban nang dalawang mukha ng iisang bagol ang tatlong hukluban na nagsasalo sa iisang paningin at ang tatlong Gorgon na nagiging bato bawat lambatin ng tanaw—ni hindi na nga tatablan ng talim ang tigas ng leeg ng dalawa’t kay Medusa na lang ang hindi pa gaanong makunat.

Labis na aba’t napakahamak ng kalagayan ng unang tatlo. Nagsasalo sa iisang pananaw, magugunita ang awit ng Beatles, “let’s see it my way, we can work it out.” Napakahamak man, hindi pahamak ang katangian ng kanilang pananaw—sa paham o genius nga. Three fields of vision are triangulated for unique insight and foresight into the essence of things.

Hagupit ng lupit na gipit ang pananaw-Gorgon. Parang masikip na pananaw ng makatang nakamasid mula sandipang kulungan sa sandipang langit. Pananaw ng palaka na nakalublob sa loob ng balon. Pansin ng isa pang makata, ito ang pananaw na bubuo lang ng pader kahit saan itingin—and those who stonewall can see enclosing walls in any direction, even if there’s an open doorway.

Parang gobernador ng aming lalawigang Bulacan. Ayaw ipakita ang pinagmulan ng ginintuang kaliskis-Gorgon na ipinamudmod kamakailan sa Palasyo sa Pasig, Basta sumulpot na lang kung saan ang mga supot ni Hudas na iniabot pati sa gobernador ng Pampanga. May naganap mang himala na kahina-hinala, mayroon namang naibuyangyang na katibayan ng 30 pirasong pilak ang Pampanga governor. Hindi katulad ng isang kinatawang kaliwa’t saliwa na inalok pa lang ng P2 milyon, kumatsang na pero walang maipakitang matibay na ebidensiya, mwa-ha-ha-haw!

Masaya siyempre ang tingin ng Gorgon—bawat titigan, tiyak na maninigas. Baka nga may unexpurgated version ang naturang alamat na maaaring may kasi-kasiping ang magkakapatid na Gorgon na may talamak na erectile dysfunction na ang naging remedyo nga’y dapat matamang titigan. Para manigas.

May isinukling gantimpala sa ganoong stiff-necked vision. Pinugutan ng leeg.

Pero noong paslit pa lang, talagang maiisip na huwag nang makisalo sa paglilipat-lipat at pagsasalin ng paningin sa tatlo o higit pang paraan. Eye such a sight from this perspective. Eye such a site from this and that level of perspective. See it in another dimension. Take another look. Look some more, see more. Soak in the sights. See it with new eyes.

Mahihiling na kahit kaliwang mata lang ni Medusa’y maipalit sa sariling mata—o kahit ihalili sa mata ng pigsa sa bisig, madalas ako noong tubuan ng pigsa’t madalas ding magpahinog ng mata niyon para mapiga’t lumilamsik palabas. Sa mata ng pigsa yata nagmula ang eyeball o harapang pagkikita.

Isipin na lang kung nasalinan ng mata ni Medusa. Palalagyan ng takip, eye patch na parang weapon of mass destruction na kailangang hindi ilalantad. Tutungkabin lang ang takip sa mga natatanging okasyon, halimbawa’y habang nanonood ng Congress joint session sa state of the nation address—maraming mababato sa mga naroon.

Dinalaw ng mga ganitong sagimsim nang sumanggani ang isang anak para mapahusay naman ang tingin sa kanya ng kapatid na lalaki ng kanyang nobya. Wala naman ‘kakong magagawa kung sulipat ang tingin ng kahit na sino sa kanya.

These days, we can’t share plain sights—even deep insights or foresight, pwe-he-he-he!