HINDI naman alam ng kumag na Batman na matalim ang kanyang mga kuko’t pangil. Kaya laging mag-iiwan ng mga kalmot, galos, gurlis, pawang mababaw na sugat sa balat ang kanyang mga paglalambing sa sinuman sa amin.
Hindi naman lahat ng pusa—puzaza ang naging term of endearment namin sa kanila, halaw sa batlaya ng pamumunga na naglalakbay sa bigwas ng hangin, si Pazuzu. Hindi lahat ng pusa’y dumaraan sa ganoong yugto ng pagtuklas sa kanyang mga kapisan sa pamamahay. Lalo na ang mga tinatawag na pusang hindi ibilnilang, iniligaw o itinapon na lang dahil dagdag na bibig din na dapat paglaanan ng kahit tirang pagkain.
Pero mayroon ngang yugto ng pagtuklas sa paligid pati sa mga makakasalamuha. Kailangang mailimbag sa katawan at diwa ang mga batayan at sandigan ng mga magiging gawi’t gawa. Mas masinop nga ang pusa sa ganitong pagtatakda, sa tinatawag na biological imprinting process. Tao man ay dumaraan sa ganoong landas ng masinsinan at masinop na pagtuklas.
May mapupulot na aralin sa mga kumag na pusa—na karaniwang mas matapat sa latag at lawak ng kanilang kikilusang lupain. Feline loyalty ba ang itatawag sa ganoon dahil pusa? O napakababaw na pagmamahal sa ginagalawang at nagtutustos na lupain. Napapalapit na yata sa itinuturing natin na pagmamahal sa bayan…
“Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Kundi pag-ibig sa tinubuang lupa
Aling pag-ibig pa?
Wala na nga, wala…”
Salpak na salpak pala sa pamantayan ng bayaning Gat Andres Bonifacio ang biological imprinting process na tinutupad ng mga pusa—lalo na ng mga pusang gala. Kapag lubusan kasing nasinop ang naturang paraan ng pagsanib ng katawan at diwa sa ginagalawang kalawakan ng lupain hanggang sa mga hangganan nito sa papawirin, lalapat naman ang pamantayan ni Loren Eiseley—“man is an expression of his landscape.” Magiging mabunying pahayag ng lawak at hangganan ng lupain ang taong tumatahan doon.
Kinukutuban tuloy na hindi naman masuyong paglalahad ang tinutupad ng lupain kundi pagsusuka lang. Hindi marahil masikmura ang mga sumampid sa pisngi ng lupalop na pawang nakatunganga, ni hindi nagtatangka na tuklasin, sinupin at pagyamanin ang himaymay ng buhay ng lupa.
Kaya heto na nga, nakaamba na ang Taiwan at China na himukin ang ating bansa sa matagalang lease agreement. Uupahan ang mga nagkalat na tiwangwang na lupain sa napakaraming panig ng Pilipinas. Dayuhan na ang magsisinop, magpupunla ng mga mapapakinabangang halaman para matustusan ang kani-kanilang pamayanan.
Ah, igiit ang pagiging makabayan. Ipangalandakan sa kung saan-saan ang masidhing pagmamahal sa tinubuang lupa na kung ihahambing sa singkapan ng sinta, tigang na tigang pala’t uhaw na uhaw sa umaatikabo’t umuusok sa pusok na kaplugan.
Kapag itinustos ang pagmamahal, tutumbasan o susuklian, hihigitan pa ang inialay na pagmamahal.
Kaya dapat na sigurong itaktak, ipukpok na bundok sa ating tuktok ang tumitining nang tanong.
Mahal naman kaya tayo ng sariling tinubuang lupa? Baka naman pare-pareho lang tayong sampid na hindi na masikmura’t tahasang isinusuka na ng ating lupain?
Sandosena na ang pusa naming alaga. Bawat isa sa kanila’y nagdaan nga sa biological imprinting process. Nag-iwan sila ng mga galos at gurlis na pawang mababaw na sugat sa balat—madaling maghilom, mumunti ang naiiwang pilat na pawang lagda ng pagligwak ng galak at sigwa ng tuwa.
Pero may mga napupulot na aralin at kabatiran sa mga kumag na pusa. Mas mahapdi kaysa sugat sa laman dahil bumabaon at umaarok sa lalim ng aming kaalaman.
Ah, love those adorable pussies…
Monday, April 23, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment