GULUGOD ng lupa ang turing sa bato. Lumamig na putik na ibinuga ng bulkan, mga nagsanib nang kalansay ng bahura o coral, lastillas o mga bilugang tipak ng batong pulos mababang uring silicon ang sangkap, adobeng bulik, escombro, batong dapi o limestone na tahasang calcium carbonate at kauring pangunahing sangkap ng buto ng hayup ang taglay… hahaba ang talaan natin kapag inisa-isa ang kani-kanilang pangalan.
Gulugod kaya higit na kaalaman ang kailangan para maisalansan nang matino—haligi na’y pader pa ng ititindig na tahanan. At katuwang na ng mga nakatindig na tahanang bato ang mga angkan ng panginoong maylupa’t maunlad na mangangalakal. Nakalublob lang sa bahay kubo o dampa ang mga hapay at lupaypay ang kabuhayan.
Nagtitindig ng tahanan mula sa mga sangkap na maapuhap sa kapaligiran. Dayami’t putik ang pinaghahalo sa pamamaraang wattle-and-daub na matutunghayan sa mga dampa ng dukha sa China. Suson-susong tipak ng yelo ang kabuuan ng igloo ng mga Eskimo. Pinatuyong dayami’t putik ang mga dampa sa kabundukan ng Mexico. Tagni-tagning bahura’t bato mula dalampasigan ang karaniwang tahanan ng mga Ivatan sa Batanes.
Mga Ivatan lang yata ang nangahas na bumuo ng bahay na bato, hindi man sila mula sa angkan ng mga panginoong maylupa o maunlad na negosyante.
Pansinin na pawang bato ang mga sinaunang simbahan saanmang kuyukot at tumbong ng ating tinubuang lupa. Hindi naman siguro ipinagbawal ng mga fraile sa mga Indio ang pagpapatayo ng mga dampa na yari sa bato—na matatagpuan nga sa mga liblib na lupalop ng Mexico, na kinapadparan din ng mga fraile’t sinakop din ng EspaƱa.
Mas mataas na antas ng kaalaman sa pagtitindig ang kailangan para sa masinop na pagsalansan at paghahanay ng mga tipak ng bato. At kailangan din ng malalim na imbak ng tiyaga at sigagig. Matagalan ang pagtibag mula sa mga pampangin ng ilog o dagat. Matagalan din ang paghubog sa mga tipak sa angkop na laki na magiging sangkap sa ititindig na tahanan.
Batid na natin ngayon ang pahalang na ugit ng lakas o lateral stress at pabagsak o vertical stress sa nakatindig na istruktura. Naaangkupan ngayon ng steel reinforcing bars—lalo’t buhos ang kongkreto na hindi na kailangang isalansan, titigas na lang.
Mas malalim at matalim na kaalaman ang hinihingi ng batong paninindigan.
Kaya gumagamit ng mga kasangkapan sa pagtitindig. Mauungkat na straight edge ang isa pang taguri sa ruler o panukat ng haba—no ruler can be crooked, a ruler should be always straight edged or it loses its edge and becomes a crook which isn’t useful for setting things straight.
Can the structure stand true and not collapse if the ruler is a crook?
Sa mga dampa, barong-barong at mahinang uring istruktura lang puwede ang tiwaling tindig—hindi sa istrukturang nakasandig sa batong gulugod ng daigdig.
Palaruan nga pala ng unos at daluyong ang mga dako ng kapuluan na nakaharap sa Pacific Ocean—tuwinang mahahagupit ng mahigit 20 bagyo taun-taon. Nagkalat lang ang mga tipak ng tumigas na putik na isinuka ng bulkan, mga batong buhay, escombro at nagsanib nang kalansay ng bahura sa kapaligiran doon.
Sumulong na ang materials technology pati na mga pamamaraan ng masinop na pagtabas ng bato—may carborondum at diamond-tipped cutting saws. At hitik na hitik ang kabatuhan sa paligid, nananatiling tiwangwang na para bang payo ng yumaong Dr. Jose Protacio Rizal ukol sa buhay na walang kabuluhan at pakinabang—hindi naging bahagi sa pagtatag at pagtindig ng gusali.
Hikahos pa rin talaga sa kaalaman ukol sa mga lihim ng matikas na batong pagtindig.
Iba yata ang mga Ivatan. Habang ang karamihan ay uugod-ugod, may naitindig, itinanghal sila na mga lugod mula sa gulugod.
Monday, April 30, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment