SANGKILOMETRO ang layo ng sambahayan ng mga sampid pero araw-araw na may tatlo hanggang lima na nagmumula doon para umamot ng talbos ng kamote o malunggay na nakalatag sa bakuran nina Luz. Sa habilin “Sana magtanim na lang din kayo sa bakuran ninyo” itutugon ng sinuman ng nanghingi na “Wala kaming bakurang tatamnan.” O magkikibit-balikat. Hindi na lang kikibo. Pero tuloy lang din sa pamumupol ng talbos.
Napasigasig namang magpanibagong usbong ang tagpi ng kamote’t tulos ng malunggay kina Luz. Walang humpay sa pag-aalay ng matatalbos. Masarap ang inabraw na kamote’t malunggay na nilahukan ng dinikdik na luya, ilang tipak na kamatis, sandakot na tuyong tagunton at santasang malabnaw na kanaw ng bagoong—lalo na’t kagayak ng kaiinin lang na kanin.
Higit sa sandipa ang lupa sa magkabilang gilid ng lansangan—na tumatakbo ng higit pa sa tatlong kilometro, paagos na dadaanan at lalampasan pa ang sambahayan ng mga sampid. Pulos damong mutha lang ang nakatihayang tila suson-susong parausang pokpok na naghihintay ng mga babarukbok, inot na kumakaway sa hampas ng hangin at hamog.
Hindi kaya nasisipat o nakikita ng mga sampid, hindi kaya sila naaakit o nahahalina o nalilibugan sa hubad na magkabilang baywang ng lansangan?
Nang simulan daw nitong isang may katok yata sa tuktok ng pandalas na kaplog ng dulos at gulok sa nakabukakang tipak-tipak na kamunduhan sa magkabilang panig ng lansangan, tumanggap daw ng katakut-takot na libak at kantiyaw sa mga nagdaraang sampid.
Sa hindi madaling sabihing sabi, tinarakan ng mga buhay na muhon—tigtatlong magulang na tangkay ng kamote at taba-habang tarugo ng malunggay—ang baywang ng lansangan. Humayo, lumayo’t nakarami ng kantot.
Sarap ng pakiramdam talaga kapag tumatagaktak ang pawis lalo’t humaharurot sa ganoong pagbarurot.
Nakatikom man na hiwang mahiwaga ang alinmang lupa, tiyak na kakatas at maglalawa kapag tinarakan ng punla.
Huwag nang ungkatin sinuman ang utuging santo na gumawa ng ganoong kalibog-libog na himala.
Pero dahil walang kalibog-libog ang mga nakatungangang sampid at dukha, hindi naman pinamarisan, tinularan o ginaya ang naturang ginawa. Lalo lang silang nagsumigasig sa paggawa ng marami pang bata. Na kailangang palamunin marahil ng bunton-buntong talbos ng kamote’t malunggay.
O kung isasaalang-alang ang pananaw sa umiiral na kalagayan ng kahirapan daw, dapat lang silang sampid na maging mayaman dahil yumayaman ang lupa kapag doon sila tinabunan.
Samantala, unti-unting nagsilago ang mga itinulos na punla. Na basta na lang tinuwaran ng sinumang hinayupak na iyong may katok yata sa tuktok at tatlo ang taling sa ulo ng uten—aba apat pala ang nunal kaya sagad-buto’t sa kung saan-saang pook, lupa’t lupalop umiilandang at humuhulagpos ang iwing libog.
Kasagsagan ng tagtuyot noon sa Mindanao nang umagos ang mga ulat na namamatay daw sa gutom ang mga bata sa mga liblib na lalawigan. Maghapon daw naghahagilap ng mahuhukay na lamang-ugat na name-- na nagtataglay ng mabagsik na lasong oxalic acid at hindi pa matukoy na alkaloids at steroids. Ginagayat sa maninipis na tipak ang name, isisilid sa sako saka tatlo hanggang limang araw na ibinababad sa ilog para mapalis ang lason. Gawgaw lang ang malalabi sa mga tipak ng name-- isasaing na tila kanin, gagawing maruya o puto kaya. Maraming paslit at matanda ang namatay. Nalason sa name.
Opo, tatlo hanggang limang araw na dapat nakababad ang isinakong name sa agos ng ilog.
Opo, marami pong ilog doon na mapagsasalukan ng tubig.
Maididilig naman ang tubig sa mga tangkay ng ipupunlang kamote— hindi ito nakakalason.
Hindi pa po endangered species ang kamote. Maraming mapagkukunan ng maipupunlang tangkay. Hindi na kailangan pang dumayo sa bakuran nina Luz na kalapit ng Antipolo Christian Fellowship Church para humakot ng punla.
Friday, April 20, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment