“SANDOSENANG tangke ng saxitoxin ‘tong bihag ko ngayon dito sa buwangan, este, buwagin, oops, bulwagan ng Casa de Hijodiputados. Magkakaubusan dito kapag hindi ninyo ibibigay ang mga kursunada ko. Binabalaan ko kayo! Sumunod kayo sa mga sasabihin ko. Kung hindi—magkakaubusan dito!”
Sa dagundong ng kulog na babala, nabahala ang mga sumugod na kawagad ng pulisya. Nagkatinginan sa isa’t isa habang tinatahip ng kaba ang mga dibdib nila.
“Pa’no ba ‘to, bossing? Pulos seksi daw ang hostage niya. Sandosena. Sapak ‘yan! Katakamtakamtakamtakam…”
“Baka mga pin up na artista sa kalendaryo, ser. Isang hubo tabong 36-24-36 na kukuwentahin ang mga kurbada bawat 30 araw—365 araw na kaligayahang makikita santaon.”
“Seksi na, oks in pa ang sabi. Ibig sabihin, pwedeng pwede nating pasukan.”
“Oo nga. Hinayupak din talaga ‘tong hostage-taker. Parang alam ang weakness natin. Talagang malambot ang mga puso natin kahit iigkas sa tigas ang… Men, we have to cordon the area. Let no meddling media muddle this crisis. Lalala lang ang sitwasyon kapag pumapel ‘yang mga hindot na taga-media.”
Nalalagas ang mga maigting na sandali. Humahaginit na pagong ang usad ng isang oras. Rumaragasang tila alon sa imburnal ang pagdagsa ng mga usyoso sa paligid ng Casa de Hijodiputados. Kasunod na bumuhos ang mga nagtitinda ng taho, nilagang mais, inihaw na isaw, fishballs, sorbetes, kendi, yosi, mani, balut, chicharon, pati na ahente ng punerarya.
“Baka pakawala ‘yan ng kandidatong barangay kakawat o kupitan de barangay na mababa ang ratings sa voters survey. Magpapakodak lang sa mga fotog ng diyaryo. Papakuha sa mga taga-TV. Libreng media mileage nga naman.”
“Ba’t hindi pa humihirit ng gusto n’ya?”
“Hindi naman civil engineer o may-ari ng iskul bukol na gaya no’ng Armando Ducat. Pero kapag humirit ‘yan na kailangang tiyakin na makakatapos sa kolehiyo ‘yung mga seksing hostage, babakas na ‘ko kahit sa isang scholar. Bibigyan natin ng special tutoring.”
“Baka naman talent manager ng mga isasalya sa Japan. O baka fashion designer na may alagang rumarampa. Kaya siguro pulos seksi ang bihag ng hinayupak na ‘yan. Ni hindi nga pumapalag ‘yung hostages. Ni walang pumipiyok.”
“Kapag hiniling niyan na maging hostage negotiator si Kris Aquino o si Joey de Leon nalintikan na tayo. Basta kailangang makakuha tayo ng autograph saka magpapakodak tayo. Group picture para masaya.”
Kulog na dumagundong ang tinig mula sa public address system. Tinig ng hostage taker. Kalmadong kalmado.
“Pakakawalan ko ang mga bihag na saxitoxin dito sa session hall. Meron ditong special session para paghati-hatian nila ang pork barrel na ibubuhos sa huling linggo ng kampanya bago maghalalan. Tiyak na dadanak dito sa low density lipoproteins, babaha sa karumal-dumal na cholesterol! Tiyakin ninyo na walang makakalabas dito! Walang makakalabas!”
Kunot-noo ang bawat pulis na nakatutok sa krisis. Mahirap nga namang mahiwatigan ang katuturan ng low density lipoproteins na tila malapit na kamag-anak ng liposuction.
Kumakagat na ang dilim nang mag-ikaanim ng gabi. Walang maulinig ni masagap na ingay mula sa mga pinid na pintuan ng Casa de Hijodiputados. Biglang-bigla, nakarinig ng malakas na pagaspas ng pakpak mula sa itaas. Bigwas ng bagwis na lumikha ng mga mumunting buhawi. Hindi magkamayaw sa gitla ang mga miron, media at pulisya. Isang nagliliwanag na anyo ang palayo, patungo sa kaitaasan, pasagasa sa araw—hindi matiyak kung manananggal ba o anghel kaya.
Limang oras matapos makatakas paitaas ang inaakalang hostage taker, inihayag ng sumuring forensic pathologist ang sanhi ng pagkamatay ng mahigit 250 kinatawan sa Casa de Hijodiputados.
“Paralytic shellfish poisoning— ghastly death induced by STX. Saxitoxin. A dose of 0.2 milligram can kill a man of average weight. A thousand times deadlier than nerve gas. The STX released in that chamber was more than enough to kill thousands…”
Monday, April 09, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment