Thursday, December 17, 2009

PATAWA FATWA

KAHILA-HILAKBOT pataw sa kanila
Isang Selman Rushdie, nagsulat nobela;
May Jami at Rumi—both writers of Persia…
Sila’y itinakwil… isinumpa sila!

Kaya nangilabot pati na ang lubot
Nilang mga hukom-- pawang natatakot
Duminig sa kaso’t baka nga matigok
Sakaling magpataw hatol na baluktot…

Si Jami at Rumi tinawag nang banal
At itong si Rushdie ang turing ay hangal…
Aba’y ano na lang ang ipapangalan
For 30 journalists… sila ba’y animal?

Wala nang patawad meron pang patawa
Nang sila’y niratrat, nilapastangan pa…
Pawang taga-ulat—ganoon lang sila
Naghahanap-buhay dahil may pamilya.

Baka naman luho na ang katarungan—
H’wag na ngang asamin na ating makamtan…
Ituring na baboy ang mga kinatay:
Bawal kahit tikman ang pagkaing haram.

Pero on second thought may mga kinaplog—
Hindi lang tinikman nitong mga hayok…
Pinagpasasaan ng mga balakyot
Ano bang tikim lang? Inubos, sinimot…

“Brothers of the devils” ang tawag sa Qur’an
Sa mga lustay sa salapi at yaman...
(Sa Sûrah Al-Isrâ’ ay matutunghayan.)
Ang kanilang mansions ay veinte cuatro lang…

Kaya naman andap, bayag ay umurong,
At kinilabutan itong mga hukom.
Sapagkat, sapagkat kapag nagkataon…
Utol ni Satanas, ano’ng ihahatol?

Death by casketry— siksik sa kabaong?
Death by basketry—isilid sa bayong?
Pero wala na ngang death penalty ngayon
Pulos debt penalty, sa utang ay baon…

Ang sinumang hukom ay matataranta
Baka mga suspects, mapawalang-sala…
Dahil pitik-bulag na nga ang hustisya
Saka mahirap nang… Putok!—bulagta ka.

Tayo’y magpatawad, tayo’y magpatawa!
Tayo’y magpapataw? Aba, mahirap na…
Baka madamay pa ang buong pamilya
Kapag itong angkan ay biglang bum’welta…

Meron pong penis court… tennis court nga pala!
At may Anito Court—doon madadala
Ang ganitong kasong wala nang pag-asa…
Doon titimbangin kikinang na pasya.

1 comment:

Chad the Coffeeholic said...

Manong Dong, hanga po ako sa inyong tugma at metro. hahaha! binilang ko; tigdodose at may sesura pa. ahahaha! ang galing! sana, kasing husay niyo akong gumawa ng tula. awit nga po ba ang tawag sa ganitong formula?