DALAWANG linggo daw na inalimura
Nitong pahayagang para bang maruya—
Apoy sa ilalim walang patumangga
Sa ibabaw naman, kulo ng mantika.
At nang mapika nga itong mambabatas
Nais makaresbak, agad bumalangkas
Nito ngang kakatwang panukalang batas—
Balita’t malita dapat na parehas!
Kapag binatikos si Senador Kumag
O si Gunggongressman ay aming kinaldag
Pahina o airtime hitang ibubukas—
Kumag at gunggong man.. dapat makaroskas...
Mungkahing tit for tat kapag pinairal
Ang krimeng libelo baka raw matanggal
Totoo’t palpak mang hayag na paratang
Pwede nang irambol sa pahina’t airtime…
Ang katoto naming mga kartunista
May kiliti’t anghang kapag bumibira
Kapirasong puwang kung reresbakan pa
Pati comic relief… makakadismaya.
Halimbawa na lang itong “Pugad Baboy”
Bakbakan ba naman ang mga diktador?
Unano’t pandak daw at may pagkaulol
Santambak na pygmy agad ang nasapol…
Pa’no kung mainis silang mga pandak,
Lalo na nga silang megalomaniac?
May talipandas ngang naging talipandak
Na hanggang sa ngayon ay namamayagpag…
Ano nang cartoon strip ang ibubulaga
O pansamantalang papalitan kaya?
May sense of ill-humor o makakasuya
Kapag humirit na iyong tinutuya?
(Pero sa totoo, mas nakakatawa
Pati talumpating binibigkas nila
Second thought o utot man ang ibubuga
Maaaliw tayo—talagang talaga!)
Ah, the right to reply ibigay sa diyablo
Upang maihayag ang mga numero—
Iyong kumbinasyong tatama sa lotto…
Upang sambayanan, instant milyonaryo!
--hellspawnshop@hotmail.com
Thursday, March 05, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment