HIGIT na pangahas ang tugui sa timog-silangang bahagi ng lote. Kaigtingan ng liyab ng Abril nang mag-igkas ng usbong na tila balisong, saka nangunyapit ang tinikang baging sa kasiping na patpat na puno ng ipil-ipil, magpupugay sa liwanag.
‘Yun ang uri ng tugui na hugis-daliri ang laman-ugat na nabili sa Kalye Villalobos, Quiapo. Nakasumpong nitong Enero sa palengke ng Bolinao, Pangasinan ng tugui na hugis bilog ang laman, magandang palamuti sa hapag-kainan lalo’t natalupan. Kung mapusyaw na dilaw ang laman ng patatas, maburok o halos busilak sa kaputian ang tugui. Nakakaganyak lantakan. Lalo kung sangkap na sa kaldereta. O kahit nilaga lang, kasabay ng mainit na tsa.
Marikit ang pahiwatig ng tugui sa magbubungkal nito. Matutunton ang laman mula sa punong baging na ibabadya ang paglalaman sa kailaliman kapag naninilaw na ang mga hugis-pusong dahon. Dudukalin—at ibubulaga’t maduduro ang mga daliri sa itim na koronang tinik sa mga 3-5 pulgada ng lalim, wonderful surprise unearthing a porcupine of sorts at such depth, its dagger-quills arrayed out to draw blood of the unwary, maybe soak itself in crimson ink for future writing into earth’s bowels. Magsasanga mula koronang tinik ang iba pang ugat. Na sa dulo’y mahahango ang malinamnam na laman.
Sa ilang at kalibliban, karaniwang sa lilim ng mga siit ng kawayang tinikan masusumpungan ang mga baging ng tugui. Karatig naman ng punong tugui ang pumpon ng buhong China sa aming bakuran. Para hindi naman maiwalay sa isa’t isa, maipagpatuloy ang kanilang nakagawiang tipanan sa pinagmulang dawag at kaparangan.
Ni hindi na nga hinukay para mailuto ang tugui sa bakuran—mas matiim ang kabusugan kapag nginunguya sa isipan ang nakalantad na mga pusong dahon, kumakaway sa haplos ng hangin habang lihim namang nagpapanday ng sapin-saping sundang sa kanyang ilalim habang nakikipagniig, sumisibasib sa paghahalughog ang mga ugat sa dibdib ng lupa.
Tugui ang nalabi sa mga alagang halamang-ugat—ipinaghukay ang biyenan ng ubi sa bakuran, titipak-tipakin ang may limang kilo marahil na lamang-ugat, saka ilalaga daw, igugumon sa asukal… hindi ganoon ang nakagisnang luto sa ubi. Mas masaya ang jalea.
Pero pawang malalaki na ang apat na alalay na anak sa paghahalukay ng nalulutong jalea. Ako lang ang paunti-unting magliligis ng mga nilagang tipak-ubi sa food processor. Itatambak ang naligis na bunton—3-4 na kilo-- sa kawa, sasamahan ng mga sangkap… ginadgad na balat ng 4-5 dayap… kakang-gata ng anim na niyog… dalawang lata ng gatas-kondensada… santaklob na panutsa… mga pinilas na dahon ng pandan… 500 gramo ng butter… at tagaktak ng pawis ng mga anak, edad-10 pa lang ang panganay sa apat na anak… halinhinan silang hahalukay ng nalulutong ubi sa kawa, gamit ang mahabang siyanse o samputol na sariwang palapa ng niyog. Nakalakihan nilang rituwal iyon bago magpasko.. 2-3 oras na parusa sa init ng apoy at sanghaya ng nalulutong jalea… tig-10 takal sila sa paghalukay.
Halos makalas ang bisig sa balikat sa inut-inot na halukay sa tumpok ng magiging jalea. Na kumukunat habang naluluto, lalong nagiging mahirap ang paghalukay… marami namang nakakatikim sa katas ng pawis ng apat na bata, ah, the ordeal of sorts was meant to pump up circular strength in the upper limbs and shoulders. Mostly imparting such strength in the body’s upper portion as groundwork to having firm but explosive power—the sort needed to unhinge limbs of an assailant with grace and ease.
Hindi na matiyak kung natatandaan ng mga kumag na anak ang mga sangkap sa jalea. Mahirap maghagilap sa ngayon ng dayap at panutsa. Mahirap ding mahagilap ang mga damuhong supling ngayong malalaki na’t iba na ang nakahiligan—sa ubi-gyne na nga nagsasadya ang babaeng anak, nanganganay.
Nagsipag-usbungan rin ang mga ubi nitong unang linggo ng Mayo. Kung saan-saan na naman susuling, susulong ang kani-kaniyang baging. Gagapang, tatabal. Magsisipagpugay sa araw. Lihim na magtitipon ng kilu-kilong laman sa kailaliman.
Lagi’t laging kakalkal sa lupa ng mga matamis na gunita sa pagluluto ng jalea… sa pagpanday… sa pag-iiwi… sa pag-iiwan ng tataglaying lakas ng mga supling sa kanilang paglaki… mula usbong ng ubi.
Monday, May 12, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment