Monday, May 12, 2008

Antala, ang tala...

KIKISAP na tila ningning ng tala sa isip ang pagluluto ng antala— inangit o puto maya ang tawag sa payak na kakaning malagkit. Karaniwang mga pisngi ng hinog na mangga at mainit na tsa ang kasabay nitong inihahain sa hapag.

Ganoon ang isang paraan ng pagsasaing ng bigas sa Puerto Rico. Sa halip na tubig ang sabaw-sinaing, gata ng niyog ang gamit na sangkap, ah, masagana o mayamang pantalan ang katuturan ng Puerto Rico’t titiyakin pang maikakabig ang himas ng imahinasyon sa puwerta na mamasa-masa na… lakbay-diwa pa sa saliw ng “Country Roads” ni John Denver… “Almost heaven, wet vagi… oops.. p’wet virgin pa…”

Sa dalawang tasang sinaing na malagkit, ihalo ang santasang kakang gata at ilang dahon ng pandan; igumon sa kawali, halu-haluin hanggang lubusang kumunat at bahagyang magtutong sa atay-atay o mahinang apoy. Hanguin ang naglalangis na antala, ilatag sa bandehang may sapin na dahong saging… Mayumi ang tamis ng antala, kahit na mga bahaging natutong, the heat-caramelized glucose portions of this humble fare… mahinhin ang bakas ng asukal, maging ang nalabing lagda ng tamis kakang-gatang kikislap-kislap na tila liwanag-tala sa magkakadikit na butil ng malagkit. Hindi sumisikad o sumisigid ang tamis, hindi tulad sa kalamay o kahit bibingkang binihisan ng arnibal.

Payak na anyo ng asukal ang glucose sa kanin, malagkit man o hindi, payak mang antala o mas payak na kanin. Sa bibig pa lang habang nginangata, nahihimay na mula bawat nalawaya’t naligis na butil ang glucose… na maisasalin nang kagyat sa mga ugat na daluyan ng dugo sa katawan. Maigagatong na sa lagablab ng isipan, maitutustos na upang maging maliyab ang galaw ng katawan, lalo pa sa mga gawaing pangangatawanan.

So glucose is brain fuel. Tahasang itinatakda sa may katawan na gamiting gatong: paliyabin ang apoy ng diwa, papaglatangin sa alab at lagablab ang mga himaymay ng utak, pasiglahin na tila umiindak na apoy sa kislot at kilos, sa gawi’t gawa ang buong katawan… Heed not the nudging glucose sweetness and your inner system gives up on you… this leads to diabetes… this ruthless rice crisis is for real and has been ravaging millions of Filipinos in recent years.

Kung lagi’t laging paiiralin ang mental power outage kahit walang humpay naman ang salin sa sikmura ng gatong na glucose mula bigas, ikaw naman ang unti-unting susunugin. ‘Yun nga. Die bêtes noires! Diabetes nga pala… Rice crisis talaga ‘to. Nag-uugat sa sobrang lamon ng bigas na dapat igatong sa matalim na pag-iisip at talima sa udyok ng gawain. Para bang makina ng sasakyan, nabombahan hanggang umapaw ang gas pero palyado ang kisap ng spark plug,,, nalintikan. Umuuntag, umaantig ang utak at gawaing dapat na tugunan. Pero hindi nga ginagampanan… ng mga gunggong at batugan.

Mula sa pagkaantala—na naman—ng binubuno’t binubuong aklat para sa isang pasulatan, kung saan-saan na naman nagliwaliw ang isipan. Mula pagluluto ng antala napahimod, oops, napasubsob sa Puerta Rica na masarap naman pala… napasinsay hanggang sa mapaminsalang kapansanan…

Sa halip na magsiklab sa ngitngit sa sunud-sunod na power outage… isinalang na lang ang bisig sa pagwasiwas ng palakol habang nagsasalin sa katawan at isipan ng mga orasyong pampoder… pampatibay… pampatatag… Kahit na makinang alipin lang kasi ang personal computer sa pamamahay, tiyak na humihilahod din ito sa hagok sa paulit-ulit na takbo ng check disk function para maungkat kung may mga napinsala sa sarili nito sanhi ng sunud-sunod, suson-susong pagkawala ng kuryente.

Wala namang mangyayari kung magpupuyos sa galit sa saglit ng salit-salitang patay-sindi ng kuryente. So much wreckage flies off from a derailed train of thoughts running at light speed. Ayokong manghinayang. Ni manghina’t manghinawa sa mga pabigla-biglang pagkawala ng tiyempo sa pakikipagbuno sa gawain. Kaya sa kung saan-saan ibabaling ang pansin, kung saan-saan isusuling at isusulong ang paningin.

Dumidiklap ang buntala sa bawat butil ng antala. Wala mang lulutang na latik sa inilahok na kakang gata, wala namang latak na lulubog kapag sumasagitsit nang kidlat ang gatong mula bawat butil-malagkit. Na araw-araw humihiram ng liwanag mula sa araw—‘yun ang ayokong sayangin.

1 comment:

alwynne said...

Dear Sir Dong,

Gantimpala Theater will be re-staging Bien Aligtad this October. Please write me back at alwynne@hotmail.com or plese call me at home 802-8470 or send me an SMS at 0916-4259204 or call me sa office at 528-0603. Sir Tony Espejo wants to meet with you about this. :D