SARADO ang presyo: 500 piraso ng ginto bawat trabaho—kahit na ilan pa ang mapugot na ulo. Gano’n ang patakaran ng pusakal na berdugo sa Kozure Ookami, “Lone Wolf and Cub” na sa mga unang taon ng dekada 1970 ginawang pelikula.
May kasunod na susulating tomo—talambuhay— at katatapos lang nga sa huling binuno din ng tatlong buwan, sa mga huling kabanata na lang naging paspasan at paduguan.
Tulad sa dati, piso bawat salita ang bayad sa trabaho.
Piso bawat kataga. Mura lang ‘yon. Nagsasalansan… Nagpapadugo tuloy ng kahit 4,000 kataga sa isang araw lang. Papatak na P4,000, ‘di ba? Nakatikim din naman na maging aralan o apprentice sa mason nitong isa sa mga unang taon ng dekada 1970—P8 sang-araw ang minimum wage noon, P6 ang arawang bayad sa ‘kin. Natutuwa na ‘ko. Noon.
Kaya nga naging working model hero sa ‘kin ‘yung berdugo sa Kozure Ookami. Si Ogami Itto. Taya lagi ang sariling leeg-- pati na sa bitbit na anak-- sa bawat makontratang trabaho. Nasa sangkalan pati pangalan, pati kakayahan at husay ng kasangkapan sa gagampanang gawain. Nakabandila ang payak na patalastas sa sinuman na magbibigay ng trabaho: Kowokashi udekashi tsukamatsuru. Paupahang paslit at kakayahan…
“Never explain yourself to anyone. Because the person who likes you doesn’t need it. And the person who dislikes you won’t believe it.”
Nabungkal ang payo sa ipinadalang elektronikong kalatas. Hindi naman talaga kailangan ng mga nagpasulat ng libro ng paliwanag. Kung bakit inabot ng tatlong buwang singkad bago natapos ang libro—at hindi naman maniniwala ‘yung tinukoy ng katotong Dennis Fetalino na neighbor from hell… na umaabot kahit P50,000 sambuwan ang maghapo’t magdamag na pakikipagtuos sa harapan ng desktop computer… napakalayo na niyon sa P6 arawang bayad sa paghahalo ng graba, buhangin at semento’t pagsasalansan ng hollow block bilang bagitong mason.
Panahon pa ng makinilya nang kumita ng P10,000 ang isa kong sinulat na dula—na sambuwan ding binuno sa makinilya… umuusok sa ingay hanggang magdamag… hindi na lumilikha ng ganoong kalampag ang desktop computer… pero natutulad sa berdugo pa rin sa Kozure Ookami ang pamamaraan bago makahugot ng kahit ilang piraso ng kataga: suio-ryu o water gull style. Chew bits and pieces of your own life…your self… your mind… your soul…spit ‘em out into words on paper.
Madalas na kaniig sa ganoong walang humpay na pagluray sa mga himaymay ng sariling laman ang mga awitin ng U2… “Time won’t leave me as I am but you can’t take away the boy from this man…” Kukupas at tatanda ako pero mananatili ang paslit na angkin ko.
Parang alingawngaw ng ibinabandilang patalastas sa Kozure Ookami. Kowokashi udekashi tsukamatsuru. Paupahang paslit at kakayahan.
Binalikan ako niyong dulang kumita ng P10,000 nitong panahong nagsisimulang sumikat ang U2… itatanghal muli ngayong Oktubre sa Luneta, malapit sa pinagbarilan kay Jose P. Rizal… parang ‘yung sinasabi ni Alfred Nietzsche, das schwerste Gewicht… suwerte na kung suwerte pero ang katuturan niyon, “pinakamabigat na pasanin.” Na talagang hindi ko maunawa ang talagang katuturan… madadagdagan na naman ang bigat na pasanin ng bulsa… kaloob ng isang ginawa na para bang puno… hitik na hitik sa kalibugan at karahasan…
Hindi naman ninyo kailangan ng ganitong paliwanag. Pero papanoorin ko muli ang unang yugto sa Kozure Ookami. Na sagana rin sa kalibugan at karahasan… doon mapupulot ang gintong aral mula kay Ogami (katumbas ng "usal-dalangin") Itto: 500 piraso ng ginto bawat trabaho.
Tuesday, September 09, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment