BUHAWI yata o tornado ang katulad ni Natividad Icabandi. Painut-inot man sa mga tagpi ng matatamnang lupa sa isang liblib na kaingin sa Casili, San Rafael sa paanan ng mga nakahumindig na bundok sa Montalban ng lalawigang Rizal, halos walang humpay sa inot na ikot ang matanda—87 taon ang edad, tubong Malinao, Aklan pero may 25 taon nang namamalagi sa naturang ilang na lugar. Na ang layo sa Maynila ay dalawang oras na biyahe sa sasakyan. Saka apat na oras na lakad-hingal-hagok sa mga daan at landas na hindi na mapapasok ng kahit 4 x 4.
Pero dinadayo pa rin ang naturang pook, tila alon sa anumang panahon ang paghangos doon ng mga treasure hunters. Pawang naghahagilap ng mga ibinaon daw na mga tipak ng ginto’t kung anu-ano pang kayamanan. Na kinurakot, natipon ni Heneral Tomoyuki Yamashita mula sinakop na iba’t ibang lupalop sa silangan at timog-silangang Asia—na inilibing naman umano sa kung saan-saang lugar sa Pilipinas.
Marami man ang nahuhumaling sa biglaang yaman mula paghahalukay sa mga singit at kili-kili ng kabundukan sa Montalban, sa pagbubungkal ng lupang kinaingin ang kinaugalian ng matandang Icabandi— pantawid-buhay lang na tulad sa mga nakagalang manok na alaga, makailang kakahig sa lupa para may matuka na kahit ilang butil na palay.
Sabihin man na mahigit sa 12 uri ang palay na naitatanim sa ganoong liblib na lunan, pawang anim na buwan ang singkad ng panahon mula paghahasik at gapasan—marami na ang 10 sako na maaani bawat ektarya. At may isang oras ang magugugol sa pagbayo’t pagtatahip sa 3-4 na dakot na palay upang may maisaing na bigas.
May bahid ng pagmamalaki ang matanda habang isinasalin mula lusong sa hugis-peras na bilao ang binayong palay para matahip, maihiwalay ang darak o rice bran, binlid (finely ground grains) at ipa (rice chaff) sa mga butil ng bigas. Minsan santaon, may mga bumibili ng naturang bilao—P100 ang turing sa isa, ilang daan din ang nabibili. At siya ang naglalala ng mga iyon: mula pagputol hanggang sa pagtilad at pagtistis ng kawayan, pati na sa paghabi ng mga natistis na kawayan. Tiyaga ng kamay at linaw ng mga mata ang kailangan sa ganoong gawain.
Nang magtahip siya ng kababayong palay, hangos na sumugod ang mga nakagalang manok—tila mga treasure hunters na magkakalkal—at lumutang naman sa pagtatahip ang kakaibang two-tone beat na tahasang naiiba sa pintig ng Jew’s harp, kahit ska o reggae. Agad na sinabihan ang isang kasama, “Grab that beat, get it into your mobile phone. That’s an unheard-of rock and roll beat, believe me! Something very Filipino it is!”
Talaga yatang mas malalim na kaalaman ang sumasalin sa sinumang inilalapat ang kamay sa samut-saring gawain, at lumutang ang ganoong kaalaman sa kakaibang tunog mula sa pagtatahip, in that idiom about winnowing chaff from grain made real and vibrant by a gnarled rustic.
At kailangan yata talagang tutukan ang matanda para makatuklas pa ng anumang kapakinabangan sa kanyang mga ginagawa.
Papasuksok na ang araw sa bundok sa gawing kanluran nang maupo siya sa isang sulok ng bahay paharap sa bintanang nakatanaw sa hilaga— nagnilay, naglabas ng aklat-dasalan at dusaryo’t sinimulan ang pag-aalay ng dalangin. Tila isinaboy na malamig na tubig sa paningin ang ganoong tanawin.
Walang kuryente sa ganoong liblib na lugar—ni wala ngang mobile phone signal na makarating. Walang radyo’t TV. Ilawang de gas lang ang pantanglaw sa gabi. Sa Metro-Manila at iba pang mga kanugnog na lugar, pawang telebisyon ang nakaluklok sa dambana’t altar— iba’t ibang balita’t anuman ang bubuhos sa kahabaan ng prime time.
Hindi pa lubusang umaangat ang mga bumabang ulap, masidhi pa rin ang sigid ng lamig nang magising kami—apat kaming magkakasamang mananaliksik na nakitulog sa dampa—pero wala na sa kanyang kinahihigan ang matanda. Natanaw naming sa di-kalayuan, abala sa pagdidilig ng sampitak na mga puno ng mais.
Maya-maya pa’y nakarinig ng paghahawan ng mga dawag at tuyong dahon sa iba namang panig ng kaingin—naroon na siya, abala pa rin…
Ah, may kayamanang mahuhukay sa ganoong payak, tiwasay na pamumuhay.
Wednesday, March 12, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Gusto ko lang itama ang spelling ng apelyedo. Hindi po Icabande yun kundi Icabandi, ''i ''po ang dulo at hindi ''e''. Icabandi po rin ako at distance relative ko po sya. Ang mga Icabandi ay taga Brgy. Manhanip, Malinao Aklan at ang iba ay sa Brgy. Dangkalan, Malinao Aklan. Magkatabi lang po ang dalawang brgy. na iyan.
Post a Comment