NAPABALIKWAS ako, alas tres yata ng madaling araw, nag-usisa sa sarili: “Sa’n ako naro’n?”
Todo bangenge pala sa toma nitong nakaraang gabi, nabitbit na lang ako ng Ninong Conrado mo sa bahay niya’t baka may makadyot o malaplap na naman ako—kabi-kabila kasi ang dala kong balaraw na bawal raw sa lukbutan. Umiigkas na lang. Susuksok, kakayod sa laman. Udyok yata ng muscle memory—bata pa ‘ko nang masanay kumatay ng baka’t baboy, menudencia’t leeg ang nilalapa.
Kapag ganoong oras bago magbukang-liwayway, mararamdaman kasi sa paanan ang dampi ng katawan ng pusa—karaniwang si Shampoo o si Bhatman ang nakabaluktot sa aking paanan. Baka hinihitit ang pumasok na singaw ng lupa sa aking katawan. Posible rin na pinapalis ang mga masamang alimuom na nasagap ko sa buong maghapon.
Naglunoy kasi kami sa usapan ni Ka Teo—tatlo ang naging supling nila ni Sol, bunso na lang ang nagkokolehiyo’t tiyak na papalaot din sa trabaho kapag nakatapos. Maiiwan silang magkabiyak sa kanilang lunggang condominium unit sa Buendia Avenue, Makati. May kani-kaniyang buhay na ang mga dating paslit.
Bahagi ito ng pagsuong sa dapithapon ng pamumuhay. Dapat lang na ilaan sa mga talagang mahal sa buhay ang buong panahon. ‘Yung mga tapat na katoto, kaibigan, at kapilas-puso. It’s an enriching investment for such a priceless thing as time.
Pareho kami na Ka Teo na dumaraan sa ganitong karanasan. Paparating pa lang sa ganitong yugto ang Ninong Conrado mo—dalawa ang supling, kapwa nasa kolehiyo na rin. Kaya subsob naman siya sa samut-saring pagkakaabalahan bukod sa hanapbuhay namin sa pagsusulat, pananaliksik, pagkalap ng dagdag pang kaalaman. Dito na kami nakatutok.
Aso’t pusa na lang nga ang mapag-uukulan ng aruga’t pagsubaybay—may sinsing umano si Haring Solomon na nagbibigay sa kanya ng kakayahan para maunawa’t makipag-usap sa iba’t ibang hayup. Iba pa rin ang mga abang animal. Kung anu-anong larawan ang kanilang ibabangon, pupukawin sa ubod ng kalooban. Lalo na sa tinatawag na earth energy center ng katawan, ‘yun bang root chakra sa gawing pinakatuntungan ng gulugod. At malakas ang kutob ko na nagbibigay ng energy supplements at pangontra sa kanser ang mga kumag na pusa. With their proverbial nine lives, they’ll be wont to spare some for their keepers.
May isa sa mga naiibang nobelang pangkomiks si Mars Ravelo. Nahapyawan ko nitong 1960s. Tungkol sa padre de pamilya na binigyan ng kapangyarihan para marinig ang iniisip ng bawat nilalang—kabilang na nga ang mga hayup. Halos sumambulat ang bungo niya sa salimbayan ng walang patumanggang ingay. Walang humpay ang ragasa ng mga kawan-kawan, kawing-kawing na alalahanin at pangamba. At nagkagutay-gutay na masahol pa sa basahan ang tiwala niya sa kapwa-tao. Pawang paimbabaw lang ang pakikitungo. Natatangi ang kanyang alagang aso. Talagang nagmamahal sa kanya—unconditional love, walang bahid ng imbot at pansariling kapakanan. Ni hindi umaasam na bibigyan ng pagkain.
Sina Mischa, Oca’t Monster ang katabi ngayon sa pagtulog ng tatlong kumag na kuting na pawang itim—Marduk, Zahrim at Zahgurim. Bagong karanasan para sa mga aso natin. Magkasiping man sa pagtulog, hiwalay pa rin sa pagkain. Minsan nang nakatikim ng walang patid na halihaw-kalmot si Oca kina Shampoo at Pin-yin nang tinangkang sagpangin ang isang kuting. Napaihi sa hapdi si Oca. Halos humagulgol.
Tuwing babati ako sa umaga’t kay Amaterazu O-Kami, hangos na sasampa sina Marduk at Zahrim sa akin—nakakatuwa ang mga lekat. Ah, such tender unconditional love nudged with tough tendril talons.
Friday, December 07, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
i don't know how you do it. but man.. u'r a demigod.... i've always want to learn the art of writing.. and i am like a new born baby when it comes to this field.. but you.. you seems to know very well what it's all about.. i don't know if this is what you took up or if it's really runs in your blood... but i'm sure of one thing.. I AM A FAN...
Post a Comment