CARDIAC arrest ye fat gentleman, so that ye can’t dismay…
Basta naulinig na lang ang paglutang sa karimlan at halumigmig ng gabi ng mga nakagiliwang awiting nakaukol, nakabukol sa Pasko. May mababanaag na kakatwang lamlam-lampara na sumisiyap yata habang sakmal ng dilim sa umiiral na panahon.
Lansag pati salansan ng titik ni Mang Levi Celerio sa kanyang “Pasko na namang muli”-- Naku, may coup, may coup na namang muli. Nasa Palasyo’y ngiwi’t napapaihi. Naku, may coup, may coup na namang muli. Pero hindi yata maaari.
Baka kasi lumabis na naman ang laklak ng aming iniirog na currant-flavored vodka. Kaya tigmak sa galak ang pagtaktak ng himig, pati sa mga ibinubulalas sa cajoling… quarreling.. Ano na nga ba ang angkop na katagang tumutukoy sa pananapatan sa mga bahay-bahay? Harana o harang na? Pangangaluluwa o luwa ang panga ng mga walang kaluluwa?
Kung anu-ano na lang ang ibinubunghalit kasi para makaamot ng kahit konting barya.
“Ang Pasko ay sumabit. Bonus namin ay inahit.”
“Silent na. Nahuli na. Oil is high. All can sigh ‘round yon pump prices high. Luli’t impaktang nanay ay nakakahimatay…”
“Wreck the polls with Hello Garci, fa-la-la-la-la panalo na. ‘Tis our reason to be jolly, tulala sila natalo pa!”
“Satan’s claws are coming.. kantutown!…”
“We wish you a messy crisis, we wish you a messy crisis, we wish you messy crisis and a used underwear.”
Pati ba naman mga nabibilang sa tinatawag na kapisanang linis-tubo’y binabago ang “Whispering Hope”—Supsop the boys?
Kahit na ano pang pangkat at pulutong na aalulong ng mga napapanahong himig sa tapat ng aming tahanan, lagi’t lagi namang sasabihan ng madalas ding iungot sa mga seksing tindera saanmang palengke dahil nais naming makatipid at matabtaban nang kahit kaunti kahit kapiraso lang naman ang nakakasindak na taas ng halaga ng mga bilihin pero hindi naman itinataas ng tindera ang kanyang palda at ibinababa ang kanyang panties, este, hindi naman itinataas ang sahod at ibinababa ang presyo ng bilihin:
“Patawad po.”
Saka dudugtungan: “Kung ang isang Erap na hinatulan na ng Sandiganbayan sa salang pandarambong at pangungurakot sa salapi ng taxpayers ay pinapatawad, kami pa kayang kawawang taxpayer ang hindi bibigyan ng patawad?”
Kapag may umuungot naman ng regalo o may kalabit-penge na nagpapahiwatig na mabigyan ng kahit duling na singko, tiyak na hihirit ng ganito: “Merry Christmas, sir.”
Kagyat na susuklian naman ng ganito: “Happy Valentine to you, too!”
Saka ipapaliwanag sa kumag na lubhang mapanganib ang yugtong ito ng panahon—maligayang ika-47 kaarawan nga pala sa aking kampon sa Journal Online, si Oliviaria Manaois na sa mismong pinakamaikling araw sa kabuuan ng bawat taon o winter solstice ang kapanganakan—at laging nakaamba ang makayanig-bulsang kapahamakan lalo na kapag sinalakay na ng mga inaanak na iisa lang ang ihihirit, “Money po ninong!” habang nagbabanta naman ang napakaraming pagkakataon para sumibasib ng lamon kaya sandamakmak na triglycerides, low density lipoproteins, at samut-saring lason ang sasalin sa katawan na karaniwang magiging sanhi ng ataque de cabeza y infarto, diabetes mellitus, constipation, erectile dysfunction, flatulence, acute income deficiency syndrome, cash shortage, at iba pang kahindik-hindik na pinsala sa katawan.
Lilinawin sa kausap na mas mainam pa rin ang Araw ng mga Puso. Solamente coño aguado es servido. Malinamnam na, healthy eating pa.
Wednesday, December 12, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment