Sunday, May 20, 2007

...kung matinik ay malalim

LIKAS ang liksi pero hindi nagmamadali. Ganoon yata ang napulot na gawi sa sangkaterba naming pusa. Malalim at matining na tubig na umaagos ang lamyos ng karaniwang galaw. Mula sa mahinahong pagmamatyag na halos hindi kumikislot pati himaymay ng laman, kisap-matang lintik na iigkas ang buong katawan kapag sumagpang sa tinambangan.

Kaya kibit-balikat lang sa nahapyawang ulat kamakailan na pinakamabilis daw sa buong mundo ang mga taga-Singapore sa paglalakad. Sa loob ng 10.55 segundo, mahigit 18 metro o 60 talampakan ang layo ng nilakad ng karaniwang taga-Singapore.

Nakabuntot sa bilis ang mga taga-Copenhagen (10.82 segundo). Pangatlo ang mga nasa Madrid—10.89 segundo sa layong 18 metro o 60 talampakan. Ah, marami tayong ginaya sa mga taga-EspaƱa pero hindi tayo nahawa sa liksi nila.

Sinukat ang bilis-hakbang ng tao sa 35 siyudad sa daigdig. Lumitaw: mga taga-Singapore ang pinakamatulin. Salpak sa nangungunang 20 ang mga nasa lungsod sa Europe, kasama ang Guangzhou sa China na pumasok sa ikaapat, ika-19 lang ang Tokyo.

Huwag ungkatin kung bakit hindi kabilang sa ginawang pagsusuri ang Metro Manila.

Sa mga lungsod na may malapad na bangketa na malalakaran ng tao isinagawa ang pagsusuri. Santambak ang sagabal na puwesto ng mga tindera’t tindero pati na mga tambay o nakatunganga sa halos alinmang lansangan ng Metro Manila. Sasablay lang ang pagsusuri sa tulin ng lakad-Pinoy na kailangang dumaan sa obstacle course.

Idagdag din na limang tonelada yata ang bigat ng bayag o sinlapad ng palanggana ang hinaharap ng mga nasa Metro Manila. Kaya hindi talaga naglalakad. Parang kuhol na umuusad lang. Pahilahod kung humakbang. Kukutuban na may talamak nang arthritis o osteoporosis.

Saka sa abot-hiningang layo na 18 metro, tiyak na sasakay na lang sa bus, jeepney o de padyak para makarating doon.

Huwag nang isangkalan ang sawikain. “Ang naglalakad nang matulin kung matinik ay malalim.” Hindi angkop sa usapin. Nasusukat kasi ang bilis ng pagsulong ng pamumuhay sa mismong lungsod—damay pati na ang buong bansa—sa bilis ng lakad ng mga tagaroon. (Hindot: hindi pala ako gumagamit ng kupal na katagang “residente.”)

Nakagisnan na ngang makupad sa lakad sa Pilipinas, nahawa na sa ganoong umiiral na kapansanan ang bagal ng lakarin sa bansa—santambak din ang mga asal tindera, tindero’t tambay at sampay-bakod saanmang tanggapan na pawang maglalatag ng santambak na hadlang. Obstacle course. Red tape.

Iniugnay nga pala ang pagsusuri sa bilis-lakad sa 35 siyudad sa daigdag sa pag-angat ng antas ng sakit sa puso o coronary heart disease ng mga naroon. (Hindot talaga: itinakwil ang kumag na katagang “residente.”)

Pero hindi naman inungkat ni inihayag sa pagsusuri ang incidence level of coronary heart disease sa Singapore, Copenhagen o Madrid. Para talagang matiyak na nakabuntot ang sakit sa puso sa nagkukumahog na lakad.

Mauungkat naman sa Department of Health na numero uno ngang killer disease sa Pilipinas ang sakit sa puso—kahit pa matumal ang usad ng kabuhayan ng taumbayan, kahit na usad-kuhol ang paglalakad ng karaniwang tao saanmang nagsisikip na sulok ng Metro Manila.

Isang paraan sa moving meditation o malalim na pagliliming kumikilos ang paglalakad, ayon sa aming matanda—na ilang igpaw lang yata’t hindi aabot sa 10 segundo ang layong 18 metro sa kanya.

Dapat daw manuot sa himaymay ng laman sa buong katawan ang bawat lapat ng hakbang. Dapat namnamin mula talampakan hanggang ulunan ang suyuan ng lupa at sariling yapak—upang maisalin ng lupa ang mga katangian nito sa naglalakad.

As the old man would have it: It’s all about being at home with one’s body that is nourished fully by the earth beneath, in equipoise between tension and relaxation. Mapupulot din daw ang ganoong halimbawa sa aming mga pusa.

1 comment:

David Magtanggol said...

pare kong dong, (kung ikaw nga ba itong nababasa ko?)

nang mabasa ko itong artikulo -- biglang pumasok sa ulo ko yung aking hinahangaang kaibigan na napakagaling at premyadong manunulat -- sabi ko siguro ito si dong...at malaki ang aking palagay na ikaw nga ito, di ba?

kumusta ka na? sa timpla ng iyung panulat, sigurado akong di pa rin nagbabago ang talim ng iyong bolpen at lapis sa paglikha ng mga obrang saglit lang kung ipanghakot mo ng mga awards mula sa ccp etc etc!

ako eto pa rin...lumayas na sa print, na hinahanap ko ngayon -- nasa broadcast na ako, sr newsdesk editor sa GMA 7. Magli-limang taon na rin ako rito.

magkita tayo kaibigan -- ito ang aking contact # 09175379424 o di kaya naman ay sa opisina 9282228 Monday to Friday 12mdnyt - 9am