LAMPAS na ng hatinggabi nang masumpungan sa bukakang bukana ng kalyeng patuhog sa Avenida ang babae. Humarang sa daanan.
Kainaman ang tindig. Makinis. Naghuhulagpos sa galit ang suso sa nakahakab na kamiseta. Kainaman ang ganda ng mukha. Gitara pa rin ang hugis ng balakang. Matindi pa rin ang asim.
Paanas na inialok ang kanyang natatanging paglilingkod. Sa kama.
Napansin siguro nang humugot ako ng ilang pirasong salaping papel. Pulos hilatsa ni dating pangulong Manuel Roxas ang nakabalatay. Binayaran ang napiling guayabano— hustong isang kilo—sa matandang nakapuwesto sa bangketa ‘di kalayuan sa babae. Masarap ligisin ang himaymay ng guayabano. Para lubusang kumatas. Maihahalo ang katas asim-tamis sa paboritong marka demonyo. Isa pa’y pansupil sa mga hindi kanais-nais na singaw at alimuom mula kapaligiran ang mga binhi ng guayabano.
Inulit ng babae ang paanyaya na subukan ang kanyang serbisyo. Pagbigyan ang bisyo.
Inginuso ko ang kuna ng sanggol na kalapit niya. Ilang buwan pa lang ang edad ng sanggol na naroon. Gising pa. Naglilikot. Nakangiti. Walang malay na pagngiti.
“Anak mo?” untag ko.
Tumango ang babae.
“Eh ang tatay nito?”
“Ako ho.”
Tumindig mula sa kinahihigang likmuan sa bangketa ang isang lalaki. Naglalaro siguro sa 20-25 ang edad. Putlain. Lawlaw ang tiyan. Bahagyang nakangisi sa pag-amin na siya ang ama ng sanggol sa kuna.
Iglap na natuos sa utak kung saan mauuwi ang turing na halaga ng upa sa katawan ng ina. Buy Filipino. Eat Filipina. P100 sa tatay na payag namang mapindeho. P100 sa sanggol. P100 sa mismong nagpaupa’t nagpaupak.
Napakamura talaga.
Tiim-bagang na napamura: Putang ina!
Biglang-bigla nanikip ang aking… Hindi dibdib.
Briefs.
Wednesday, September 20, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment