ANIM ang nakasagupa ng anak ng kumpare… pulos punit, wakwak halos ang mga mukha, leeg at bisig ng anim kaya dumadagundong ang putak at tungayaw ng kani-kanilang magulang sa presinto, kakasuhan ng grave physical injuries, frustrated homicide ang iisang sumagupa…
“Masahol pa sa demonyo ‘yang anak mo, dapat lang ikulong ‘yan!”
Nakangisi ang kumpare, mahinahon: “Mag-aaksaya lang kayo ng pera sa asunto… Anim sa isa. ‘Yung nag-iisa, walang armas, kakasuhan? Sino maniniwala sa ikakaso n’yo sa anak ko?”
Napakamot ng batok ang desk officer, napapatango sa pag-ayon sa turan ng kumpare…saka sino ang maniniwala sa nakasulat sa blotter, gulpe-sarado sa iisang suspek ang anim na biktima?
Mahigit 10 taon na ang nakalipas nang mangyari ‘yon… nagtapos na sa kolehiyo ang mga nagkasagupaan, estudyante pa sila noon… kakaiba lang ang gawi sa araw-araw ng isang bumarog sa anim… nagbubunot ng pako sa mga antigong haligi, nagpuputol, nag-uukit, nagkikinis ng inanluwageng kagamitan…
Samut-saring kasangkapan ang nakasanayan sa lapat-kamay na gawain… bareta de kabra, lagari, pait, katam, martilyo, papel de liha… something about tools with which work is done that steels more than character in the lathe of hands-on labor…
Hindi lang kalyo at gaspang ang naiiwan sa mga kamay na inilalapat sa gawain… noon pang 1941 natukoy sa Princeton University na kumakapit ang bakas, pati na yata “kaluluwa” ng kasangkapang inilapat sa kamay… pinagtitibay lang ng natunghayang artikulo kamakailan mula Scientific American, “You Are What You Touch: How Tool Use Changes the Brain's Representations of the Body.”
Buod at ubod ng sulatin: Nagiging karugtong ng katawan ang mga kasangkapan at kagamitan na matagalang pinanghahawakan…
Kung gano’n, kailangan lang na piliin ang idudugtong na kagamitan sa kamay…’yung kagamitan na pakikinabangan… mahirap yatang masanay na nakagagap lang sa TV remote, PSP or mobile phone…o panay lang ang kamot maghapon sa bayag habang nag-uusyoso sa anumang ginagawa ng kalapit-bahay…
Napangiti nang matunghayan ang kapatid na babae na dinalaw minsan sa Tanauan… apat hanggang walong oras yata na pulos kampit at matatalas na kasangkapan ang gagap sa kamay… nagtitilad, nagtatadtad sa kanyang puwesto sa palengke… ganoon din ang gawain ng iba pang kapatid.
Samantala, matagal din yatang nagkasama ang aking panganay at ang kanyang kinakapatid sa pagtungkab ng pako sa mga antigong haligi, sa pagsalang sa mga gawaing kamay sa pag-aanluwage’t pagsisinop ng kahoy… gusto kong matutunan niya ang mga payak na aralin ng ganoong gawain na nakaugnay sa white crane kung fu…
Palakol, asarol, sudsod, taktak, kung anu-anong pandukal ng lupa at samut-saring kampit at patalim ang nakagiliwang panghawakan sa napakahabang singkad ng panahon… computer keyboard and mouse are the latest addition.
Mauungkat sa isinisiwalat ng mga pananaliksik na malalim na mga gatla pala ang inilagda niyong mga kagamitan, sumuot sa himaymay ng laman ang kani-kanilang anino, nagsumiksik hanggang sa inililiyab ng isipan.
With tools and tasks done as these, I am more than human.
Friday, September 10, 2010
Subscribe to:
Posts (Atom)